Home NATIONWIDE ‘No collection policy’ sa enrollment ipinaalala ng DepEd

‘No collection policy’ sa enrollment ipinaalala ng DepEd

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga pampublikong paaralan na mahigpit na sumunod sa “no collection policy” nito sa panahon ng enrollment.

Hinimok ni DepEd Undersecretary Michael Poa ang mga magulang na mag-ulat sa kagawaran kung may makolektang bayad sa kanila.

“So kapag mayroong gustong kumolekta ng kung anong fees sa kanila ay unang una wag silang magbigay at huwag silang mag-atubili ng ireklamo, either sa division office nila, sa regional office or kahit sa central office na diretso para talagang maitigil natin ang ganyang practices, ” ani Poa sa isang ulat.

Ang enrollment sa mga pampublikong paaralan para sa academic year 2024-2025 ay tatakbo hanggang Hulyo 26, 2024.

Habang naghahanda ang mga paaralan para sa pagbubukas ng mga klase, sinabi ni Poa na hindi rin dapat “required” ang mga magulang na mag-ambag sa mga pangangailangan ng mga paaralan.

“Definitely hindi [na i-require] kasi ang ating mga schools ay mayroong MOOE [maintenance and other operating expenses], o iyong ginagamit nila na pondo para sa school operations,” aniya pa.

Gayunpaman, pinasalamatan ni Poa ang mga guro at magulang na nagboluntaryong mag-ambag sa paaralan, lalo na sa panahon ng “Brigada Eskwela”, o ang taunang programa sa pagpapanatili ng mga paaralan sa buong bansa na umaakit sa lahat ng stakeholder ng edukasyon.

Ang Brigada ngayong taon ay magsisimula sa Hulyo 17, 2024 sa Carmen, Cebu Province.

Hindi pa rin pinapayagan ang mga solicitation para sa mga posibleng partner at sponsors, sabi ni Poa. Santi Celario