MANILA, Philippines — Nangako ang ilang mambabatas na dadaan sa butas ng karayom ang panukalang P6.352 trilyon na pambansang budget para sa 2025 na inihanda ng executive branch.
Sinabi ni ACT Teachers Rep. France Castro na mahalagang maging mapagbantay laban sa mga bagay sa budget na mukhang katulad ng pork barrel.
“Bubusisiin natin ‘yung mga pondo na tingin natin ay discretionary, tingin natin ay pork, at tingin natin ay hindi naman kailangan, at mailagay ito sa tamang paglalagyan ng ahensya,” ani Castro.
Idinagdag niya na ang hinihiling na kumpidensyal at intelligent fund ay dapat ding suriing mabuti.
“Bubusisiin pa rin namin siyempre ang confidential and intelligence funds. Titingnan natin sa mga ahensya ‘yung mga ahensyang hihingi na naman ng confidential funds,” dagdag pa niya.
“Dapat talaga tayong maging prudent ngayon sa ating budget, dahil palaki nang palaki ang budget deficit, at palaki nang palaki ang utang… We can’t afford na magwaldas, we cant afford na macorrupt itong budget na ito, kaya kailangan nating busisiin ‘yan,” aniya pa.
Ang proposed 2025 national budget ay 10.1 percent na mas mataas kaysa sa kasalukuyang taon na P5.768 trilyon national budget at katumbas ng 22 percent ng gross domestic product ng bansa. RNT