MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pagaanin ang tensyon ng Pilipinas sa Tsina sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. na malinaw na nakalatag ang ‘rules of engagement.’
“The guidance also of our President to our troops is not to escalate the situation on the ground or on the seas so to speak,” ayon kay Brawner.
Nagpahayag naman ng pagpapahalaga si Brawner para sa mga sundalong Filipino na kailangang sanayin ang pagiging mahinahon habang nasa ilalim ng kautusan para depensa ang soberanya at interests ng Pilipinas sa WPS, na inaangkin naman ng Tsina sa kabila ng arbitral award na pabor sa Pilipinas noong 2016.
“Sabi nya mahirap talaga yung ginagawa ninyo dahil habang dinedepensahan niyo yung ating bansa you are also practicing restraint, pinipigilan nila yung sarili nila ano kahit na gustong gusto na nilang lumaban ng todo ay hindi nila kayang gawin,” ani Brawner.
Sa kabilang dako, sumulat na si Brawner kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. upang ang kanyang sulat ay makarating sa Department of Foreign Affairs (DFA) para pagbayarin ng P60 milyon ang Chinese government para sa danyos na dinulot ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas noong Hunyo 17.
Nagkaroon ng banggaan ang Philippine Navy at CCG matapos harangin ng huli ang resupply mission ng puwersa ng pamahalaan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinira ng CCG ang dalawang motorboats gayundin ang mga personal na gamit ng ilang Navy officers bukod pa sa pagkuha ng baril ng mga ito.
Ayon kay Brawner, dapat lang pagbayarin ang China sa danyos at abala na kanilang ginawa sa mga Navy officers.
“Sumulat na po ako sa ating [Defense secretary] so that my letter could be transmitted to the DFA for them to reach out to their counterparts in China… Illegal acts po itong mga ginawa nila so dapat managot sila, dapat panagutan nila,” ani Brawner.
Humihingi rin ang AFP ng reimbursement mula sa China para sa gastusin ni Navy officer Jeffrey Facundo, na naputulan ng daliri.
Posible ring obligahin ang China na malagyan ng bagong daliri si SN1 Facundo.
“We are also looking into the possibility of charging them with the cost of restructuring the hand of [Seaman First Class Jeffrey Facundo] kasi ooperahan po siya para bumalik ‘yung function ng kaniyang kamay,” aniya pa rin. Kris Jose