Home NATIONWIDE Tsina kinondena ng US sa panibagong banggaan ng barko sa Pag-asa Island

Tsina kinondena ng US sa panibagong banggaan ng barko sa Pag-asa Island

297
0

MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng Estados Unidos ang pananampalasan ng China Coast Guard sa isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) malapit sa Pag-asa (Thitu) Island, at muling tiniyak ang pagtatanggol nito sa Pilipinas sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty.

“The United States condemns China’s October 12 ramming and water cannoning of a Philippine BFAR vessel close to Thitu Island… We stand with our Philippine allies,” ayon sa US State Department, na iginiit na ang mga aksyon ng China ay nagpapahina sa katatagan ng rehiyon.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang insidente ay ang pinakamalapit na pangha-harass ng China sa teritoryo ng Pilipinas — nasa 1.8 nautical miles o humigit-kumulang 3 kilometro lamang mula sa Pag-asa Island.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea, na higit 20 Chinese vessels ang pumulupot sa lugar — kabilang ang 5 barko ng China Coast Guard, 15 maritime militia, at isang warship at helicopter ng Chinese Navy.

Tatlong barko ng BFAR — ang BRP Datu Bankaw, BRP Datu Sanday, at BRP Datu Pagbuaya — ang binomba ng water cannon, habang binangga rin ang Datu Pagbuaya ng isang barko ng China Coast Guard.

Nanindigan naman ang Ministry of Foreign Affairs ng China na dapat itigil ng Pilipinas ang umano’y “provocations,” habang muli nitong itinuring na “walang bisa” ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-saysay sa nine-dash line claim ng Beijing.

Sa panig ng Pilipinas, muling iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang West Philippine Sea ay pag-aari ng mga Pilipino, at tiniyak na patuloy na ipagtatanggol ng bansa ang ating karapatan sa soberanya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here