MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) sa loob ng 90 araw ang lisensya ng isang driver matapos payagang magmaneho ang isang bata sa isang video na kumalat sa social media.
Ayon sa DOTr, ang suspensiyon ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may disiplina at kaligtasan sa kalsada.
Inatasan ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng sasakyan na si Gladys Gonzales na humarap sa Miyerkules upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng mga kasong reckless driving, hindi pagsusuot ng seatbelt, pagpapa-upo ng bata sa harapang upuan, at pagpapagamit ng sasakyan sa hindi karapat-dapat na tao.
Ang MG sedan na may conduction sticker RP915A ay isinailalim sa alarm habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa video na ipinost sa Threads noong Oktubre 11, makikitang nakaupo sa kandungan ng driver ang isang bata habang minamaneho ang sasakyan sa Butuan City, at parehong walang suot na seatbelt. RNT