Home HOME BANNER STORY Tuguegarao City isinailalim sa state of calamity; 20 bayan binalot ng kadiliman!

Tuguegarao City isinailalim sa state of calamity; 20 bayan binalot ng kadiliman!

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Tuluyan ng isinailalim sa state of calamity ang Tuguegarao City at 20 bayan ang totally blackout o walang supply ng kuryente dahil sa pinsala na iniwan ng bagyong Marce.

Ang Lungsod ng Tuguegarao ay unang hinagupit ng bagyong Kristine na lubhang marami ang napinsala na sinundan ng Leon at itong huli ay ang bagyong Marce.

Kung kayat agad na inaprubahan ng Sanguniang Panlungsod ng Tuguegarao sa kanilang special session ang rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC na ideklara ang state of calamity upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo para sa pagtulong sa mga naapektohan ng bagyo.

Batay sa datos na iprinisenta ni City Agriculturist Evangeline Calubaquib, pumalo sa mahigit P10 Million sa mga pananim na mais, palay at high value commercial crops ang napinsala kung saan 2,576 ang mga naapektuhang magsasaka.

Umabot naman sa 9,030 pamilya na katumbas ng 30, 422 katao ang lumikas dahil sa naranasang pagbaha sa lungsod ng Tuguegarao.

Samantala, nagsasagawa na ng pag-iikot ang mga linemen ng Cagayan Electric Cooperative 2 (CAGELCO) upang magsagawa ng clearing operation at assessment sa mga nasirang linya ng mga kuryente.

Kung saan ay total blackout ang buong nasasakupan ng CAGELCO 2 na umaabot sa 20 munisipalidad sa Cagayan na binayo ng bagyong Marce at apat na lugar sa lalawigan ng Apayao.

Sinabi ni Engr. Rudolph Adviento, General Manager ng kooperatiba na wala ring supply mula sa 69 KV line ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Batay sa initial report ng linemen, maraming nasira na lateral lines at ilang main lines bunsod ng malalakas na hangin na dala ng bagyong Marce buhat kahapon.

Sinabi ni Adviento na kung malaki ang pinsala sa kanilang mga linya ay posibleng humingi sila ng tulong sa ibang electric cooperative sa ilalim ng Task Force Kapatid para sa pagkukumpuni.

Umaasa si Adviento na hindi matindi ang pinsala ng bagyo at kayang kumpunuhin ng kanilang linemen at mabilis na maibalik ang supply ng kuryente sa kanilang nasasakupan.

Posibleng abutin ng isang linggo ang pagkukumpuni at maibalik ang supply ng kuryente sa lahat ng kanilang member consumer. (REY VELASCO)