Home METRO Tuguegarao mayor handa sa Chinese stude influx probe

Tuguegarao mayor handa sa Chinese stude influx probe

TUGUEGARAO-NAKAHANDA si Mayor Maila Ting-Que sa gagawing imbestigasyon sa Kongreso na may kinalaman sa pagdagsa ng Chinese student sa lungsod na pinangangambahan maging banta sa seguridad ng bansa.

“Inihahanda namin ang lahat ng mga dokumento na kinakailangan upang ipakita sa mga tao na ang mga paratang na nakapaloob sa resolusyon na iyon ay libelous at hindi totoo, hindi makatwiran, at racist,” anang alkalde.

Giit pa ng alkalde, na bago itayo ang EDCA sites sa Cagayan, ang mga chinese students at nasa lungsod na dalawang oras ang layo sa mula Tuguegarao.

“No’ng nagpunta ang presidente BBM sa China, nakapag-ink po sila ng kasunduan para magkaroon ng mga exchange na students…hindi pa po na-identify ang Cagayan as EDCA site noon,” dagdag pa ni Ting-Que.

Sa pinagsamang pahayag ng mga pribadong institusyon ng mas mataas na edukasyon sa Cagayan, sinabi nila na ang St. Paul University ay may kasalukuyang admission ng 486 foreign nationals, na binubuo na ng iba’t ibang nasyonalidad, at hindi lamang Chinese. Ang ibang mga paaralan ay walang mga dayuhang estudyante sa ngayon, taliwas sa unang ulat na mayroong hindi bababa sa 4,600 mga mag-aaral na Tsino sa isang paaralan sa Cagayan.

Nakasaad din sa pahayag na ang pagpapatala ng mga internasyonal na mag-aaral, kabilang ang mga mula sa China, ay isang resulta ng kanilang pangako sa kahusayan sa akademiko at pandaigdigang pakikipagtulungan.

Itinanggi rin ng mga unibersidad ang mga alegasyon na binibili ng mga estudyante ang mga diploma, habang sinabi ni Ting-Que na hindi siya kailanman nag-sponsor ng pag-aaral ng mga dayuhan.“Sobrang sakit ng loob namin dito…It’s so unfair doing that to the institution who have spent decades building their reputations,” ani Ting-Que.

Samantala, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na naging maayos ang ugnayan ng lalawigan sa mga dayuhan at walang kahit isang reklamo ng pulisya laban sa kanila.

“Pwede ba talaga nating imbestigahan iyong mga fair-skinned dito sa probinsya natin? Na sila ang susunod na mga espiya ng Tsino? Diyos ko, kung alam mo lang kung anong relasyon natin sa kanila,” ani Mamba.

Matatandaang naghain si Cagayan Rep. Joseph Lara ng House Resolution No. 1666 para imbestigahan ang umano’y pagdagsa ng mga Chinese national sa kanyang sariling probinsiya, na nagsasabing ito ay “highly suspicious and alarming” sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Nasa Cagayan ang Naval Base Camilo Osias at Lal-lo Airport, na kinilala bilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na mga site, kung saan ang militar ng Estados Unidos ay maaaring mag-deploy at mag-preposition ng mga tauhan, supply at materyal.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya si civic leader and Chinese-Filipino figure Teresita Ang See of Movement for Restoration of Peace and Order and Kaisa Para Sa Kaunlaran, hinggil sa akusasyon na na espiya ang mga sinasabing Chinese student sa nasabing lungsod.

Ganun din si Herman Laurel, presidente ng Asian Century Philippines Strategic Studies, nagpahayag ng pagkadismaya at pag-aaralan ng kanyang grupo ang posibleng kaso laban kay Lara.

“It is apparently clear now that the figures released by Cong. Lara is… patently false,”. “Magfo-focus na lang ako sa pag-aaral sa pagdemanda sa mga taong ito na mayroong daan-daang milyong intelligence fund na sapat para sa pagsasaliksik para lamang nagbunyag ng mga kasinungalingan.” ani Laurel./Mary Anne Sapico