Home METRO Tulak at 3 pang lalaki naaktuhang sumisinghot, arestado

Tulak at 3 pang lalaki naaktuhang sumisinghot, arestado

MANILA, Philippines – BAGSAK sa selda ang apat na hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng droga nang maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City.

Sa report ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Major Jeraldson Rivera kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng tricycle driver na si alyas “Merlan”, 34, kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang positibo ang ulat, ikinasa ng DDEU sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-9:05 ng gabi sa loob mismo ng kanyang bahay sa Bacani St., Brgy. Marulas matapos bintahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Kasama ring dinakip ng mga operatiba sina alyas “Vicente”, 33, alyas “Wet”, 34, at alyas “Kongkong”. 19, tricycle driver matapos maaktuhan ng mga pulis sa loob ng naturang bahay na magkakaharap sa isang maliit na mesa at gumagamit umano ng droga.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P204,000, buy bust money na isang P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money, cellphone, weighing scale at ilang drug paraphernalias.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Rene Manahan