Home METRO Tulak na ginang, 2 kasabwat nadakma sa drug ops sa Malabon

Tulak na ginang, 2 kasabwat nadakma sa drug ops sa Malabon

MANILA, Philippines- Nagwakas na ang pamamayagpag ng 49-anyos na ginang sa pagbebenta ng iligal na droga at dalawa niyang kasabwat matapos kumagat sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang naarestong mga suspek na sina Esmeralda Reyes, ng Del Rosario Street, Merville, Brgy. Dampalit, Joseph Givero, Jr, 43, ng 168 Sampaguita St. Brgy. Tanza, Navotas City, at Garry Enriquez, 35, ng Sacrista St. Brgy. San Agustin.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Tangonan na si Reyes ay kabilng sa listahan ng mga high value individuals (HVI) na tulak ng droga na may sentro ng operasyon sa Barangay San Agustin at kalapit na mga barangay.

Isang pulis na miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay Reyes ng P4,000 halaga ng shabu kung saan napagkasunduan umano ng mga ito na sa C. Arellano Street, Brgy. San Agustin gaganapin ang kanilang transaksyon.

Nang tanggapin ni Reyes ang marked money mula sa pulis na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet na naglalaman ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, kasama ang dalawa niyang kasabwat.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 53.3 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P 362.,440.00, pati na ang tunay na P1,000 at tatlong pirasong P1,000 boodle money na ginamit sa buy-bust operation.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura