MANILA, Philippines – Dati nang inalok ng committee chairmanship at niligawan ng mayorya ang ilang miyembro ng Senate minority, ayon kay Senador Erwin Tulfo nitong Martes, Hunyo 2.
Ani Tulfo, ang mga sinubukang kumbinsihin ng mayorya ay siya at ang kapatid na si Senador Raffy Tulfo, Senador Lito Lapid, at Senador JV Ejercito.
Sa panayam ng GMA News, sinabi rin ng senador na lumapit naman ang ilang senior member ng Senate minority kina Senate Pro Tempore Loren Legarda at Sen. Jinggoy Estrada para sumali sa minorya.
“Sa minority po, gusto po nila, lumipat po si Senator [Lito] Lapid, si Senator JV [Ejercito], kami pong magkapatid na Tulfo brothers, sumama po sa majority,” ani Tulfo.
Sa kabila nito ay nanindigan umano sila at nanatili sa minority bloc dahil sa pagkakaiba ng pananaw ng mga miyembro ng majority.
“Kami rin naman, in-offeran din kami ng komite, lumipat kaming apat para ika nga, ilan sila dati 13 para maging 17 sila, hindi naman kami pumayag. Dahil mali naman, mukhang mali yung kanilang pinaglalaban, mali yung prinsipyo. Yung kanilang pinaglalaban ay for their personal gain, business interest, family interest, political interest, hindi interes ng bayan,” dagdag pa niya.
“Mga senior members namin ay may kausap po doon, mga kaibigan naman po nila. Tama po ‘yun, si Senator Jinggoy…ayun po yung isang alam kong kinausap. Si Senadora Loren kinakausap din, magkakaibigan naman po ‘yan , magkakasama sila 17th, 18th, 19th Congress. Magbabarkada na po ‘yan, nagkaiba lang ng bakod,” sinabi ni Erwin.
Sa ngayon ay kapwa may tig-11 na miyembro ng majority bloc at minority bloc. RNT/JGC