Home NATIONWIDE Tulfo nanawagan, mga nanalo sa lotto isapubliko

Tulfo nanawagan, mga nanalo sa lotto isapubliko

MANILA, Philippines – Para mapawi ang agam-agam ng publiko na minamanipula ang mga lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nanawagan si Senador Raffy Tulfo na isapubliko na lamang ang mga nanalo rito.

“Kung pag-uusapan natin dito yung transparency, e dapat ipakita ang mukha ng mga nanalo. Para makita natin na totoo ang mga nanalo at hindi gawa gawa lamang,” sinabi ni Tulfo sa panayam ng ANC nitong Huwebes, Mayo 9.

Nauna nang inimbestigahan ni Tulfo ang mga umano’y iregularidad na bumabalot sa lotto games ng PCSO.

Ginisa ni Tulfo ang PCSO, na pinangungunahan ni General Manager Melquiades Robles, na magsabi ng totoo kaugnay sa viral photo ng nanalo sa lotto na inilabas sa social media ng ahensya na sinabi ng mga tao na edited o dinaya.

“I-advertise natin ang mga nanalo para matanggal na yung duda ng taumbayan. Hanggat hindi ginagawa ‘yan, nandoon pa rin ang pagdududa ng taumbayan at hindi ko sila masisisi,” ani Tulfo.

Sa kaparehong panayam, iginiit ng senador na kailangan din na siguruhin ang kaligtasan ng mga nanalo. Dahil dito, kailangang pag-aralan “to a certain degree” kung paano madaling makikita ng publiko ang mga nanalo sa lotto para maalis ang pagdududa ng publiko sa integridad ng PCSO.

Sa kabila ng mga alegasyon na ilan sa mga laro nito ay manipulado, siniguro ng PCSO sa publiko na handa ito para sa “a transparent, fair and authentic lottery games will never waver and is as strong as ever.” RNT/JGC