Home METRO 4 suspek tiklo sa P816K shabu, baril sa Cavite, Laguna at Rizal

4 suspek tiklo sa P816K shabu, baril sa Cavite, Laguna at Rizal

MANILA, Philippines – Naaresto ang apat na tulak ng illegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon nitong Miyerkules at Huwebes, Mayo 8 at 9, sa Cavite, Laguna at Rizal.

Aabot naman sa P816,000 halaga ng shabu at armas ang nakumpiska sa mga naaresto.

Sa ulat ng Police Region 4A, naaresto ang isang alyas “Jo” bandang 9:30 ng gabi nitong Miyerkules, sa Imus City, Cavite matapos na bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover police sa Barangay Carsadang Bago 2.

Tinukoy ang suspek bilang “HVI” o high-value individual. Nakuhanan ito ng dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu at may timbang na 50 gramo sa estimated value na P340,000.

Inaresto naman sa San Pablo City, Laguna, ang isang alyas “Bebot” sa operasyon sa Barangay Del Remedio bandang 11:50 ng gabi nitong Martes.

Nakuha sa suspek na isa ring HVI ay limang sachet na naglalaman ng shabu at may timbang na 45 gramo. Nagkakahalaga ito ng P306,000.

Samantala, naaresto ng pulisya sa Taytay ang apat na lalaki na sangkot sa ‘cara y cruz’ sa Barangay San Juan.

Nakuhanan pa ng dalawang sachet ng shabu na may timbang na 25 gramo at nagkakahalaga ng P170,000 ang dalawa sa mga manunugal na si “Tangkad” at “Benjie.”

Narekober din kay Tangkad ang hindi dokumentadong caliber .38 revolver na may tatlong bala.

Kinilala si Tangkad bilang HVI habang si Benjie ay tinukoy na street-level drug pusher.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC