Home OPINION SAN JORGE, SAMAR PAPAUNLAD DAHIL SA ALKALDE

SAN JORGE, SAMAR PAPAUNLAD DAHIL SA ALKALDE

SADYANG totoo na ang pag-unlad at pagtungo sa pagiging maayos ng isang munisipalidad ay dahil sa kanyang lider o taong namumuno.

Matagal-tagal ding napagkaitan ng matinong alkalde ang San Jorge, Western Samar.

Dati, saklot ng takot ang mga taga-San Jorge, Samar dahil sa nagaganap na patayan na may kinalaman sa pulitika.

Ginawang “playground” lang ng dating pamilyang namuno ang San Jorge.

Pinaglaruan nila sa kanilang mga kamay ang mga tao, gayundin ang buwis ng mga ito.

At dahil diyan ay nahirapang umusad ang mamamayan ng San Jorge, Samar.

Ngayon ay lubos na nagpapasalamat ang mga taga-San Jorge sapagkat mayroon na silang pinuno na tunay na nakatuon sa kanilang interes at kapakanan.

Sabi nga, hindi sila nagkamali nang ihalal nilang alkalde si LEONCIO DE GUIA.

Aba’y kung hindi ba naman maayos na mayor ang kaibigan nating ito na si Pareng Leo, hindi makasasama ang San Jorge, Samar sa mga local government unit sa mga nakapasa sa 2023 Good Financial Housekeeping After Assessment Compliance.

Ang San Jorge ay isa sa dalawang munisipalidad sa probinsiya ng Samar ang natatanging GFH Passers para sa Calendar Year 2023.

Hindi na ako nagulat sa nakamit na karangalan ng San Jorge sa ilalim ng pamumuno ni De Guia dahil nitong huling dumalaw tayo rito ay nasaksihan ko mismo ang napakalaki nitong ipinagbago.

Mula sa mga kalsada na naging maayos na, may iba’t ibang imprastrakturang itinatayo sa San Jorge, tulad ng isang pampublikong pamilihan.

Kapansin-pansin din ang ngiti at saya ng mga taga-San Jorge dahil sa pagsigla ng kalakalan at lokal na ekonomiya ng probinsiya.

Para sa hindi nakaaalam, ang GFH ang nagsisilbing assessment tool ng Department of the Interior and Local Government upang sukatin ang performance ng local government sa paggamit ng public funds na may full transparency.

Ibig sabihin, nakasisiguro ang mga taga-San Jorge, Samar na ang pampublikong pondo ng kanilang munisipalidad ay responsable at maayos na magagamit ni De Guia para sa kanilang kapakanan at kagalingan.

Sa totoo lang, hindi kinakailangang mangurakot ni Mayor Leo dahil siya ay may maayos at maunlad na mga negosyo.

Pareng Leo, kabayan…mabuhay ka! Congratulations and keep up the good work!