Home OPINION CRIME OF REBELLION

CRIME OF REBELLION

NAGBABA ng hatol kamakailan ang Taguig City Regional Trial Court Branch 266 laban sa isang Maria Salome Crisostomo, a.k.a. Maria Salome Crisostomo Ujano sa kasong crime of rebellion.

Ano ba ang kasong ito? Para masagot natin ang tanong na iyan, hayaan n’yo muna akong magkwento ng tungkol kay Ujano.

Ikinatuwa pa nga ng Department of Justice ang desisyong ito dahil si Ujano ay isang miyembro ng ‘notorious’ na Communist Party of the Philippines – New People’s Army  na siyang nanguna sa mga pag-atake sa ating mga sundalo at communication facilities sa Quezon province noong  2005.

Ang sabi sa desisyon ng RTC Branch 266 noong May 16, si Ujano raw ay kailangang makulong ng 10 hanggang 17 taon dahil base  sa record ng korte, sa magkakahiwalay na insidente noong November 19 at 25, 2005 sa Quezon province, si Ujano at iba pang mga CPP-NPA ay umatake sa ating government forces, kung saan mayroon silang mga napatay at nasugatang mga sundalo, sinira pa ang  communication sites at iba pang pag-aari ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng kaso, sinabi ni Ujano na wala siyang kinalaman sa mga galaw ng NPA at wala siya sa lugar nang mangyari ang nasabing mga insidente, dahil naroon daw siya sa St. Scholastica College sa Leon Guinto St., Malate, Manila.

Ang masaklap, mayroong iniharap na mga testigo ang prosecution kung saan sinabi nila sa korte na kilala nila ang iba sa mga NPA, kabilang na si Ujano, dahil ang litrato nito ay nasa ‘most wanted CPP-NPA’ na nakapost sa mga bulletin board ng mga kampo militar.

Kaya nasabi ni Judge Marivic Vitor na “positive identification where categorical and consistent and without any showing of ill motive on the part of the eyewitness testifying on the matter, prevails over a denial which, if not substantiated by clear and convincing evidence is negative and self-serving evidence undeserving of weight in law.”

Sa desisyon ni Judge Vitor, si Ujano ay napatunayang nagkasala sa kasong rebelyon.

Malinaw sa kwento, na ang ‘crime of rebellion’ ay nangangahulugan nang panggugulo na may kasamang pagpatay at paninira ng mga ari-arian. At ‘yan ay walang puwang sa ating lipunan at kailangang tapatan ng kaukulang parusa.

Ako ay kaisa ng mga matatapang na tumestigo sa kaso ni Ujano. Kailangan nating magkaisa sa mga ganitong pagkakataon, lalo na kung may gumugulo sa ating bansa na hangarin nating lahat ay maging payapa at ligtas sa mga taong gaya ni Ujano.