Home OPINION TAG-BAGYO, TAG-BAHA, TAG-LANDSLIDE NA

TAG-BAGYO, TAG-BAHA, TAG-LANDSLIDE NA

“TAG-ULAN na,” sabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

Para naman sa mga nakaranas na ng sari-saring pinsala sa tag-ulan, higit nilang alalahanin na tag-bagyo, tag-baha at tag-landslide na muli.

Kamatayan, paghihirap at iba pa ang ibig sabihin ng tag-ulan kung may mga maulan na super bagyo sa 16 bagyong darating at may siyam-siyam na ulan.

Iba pang usapan ang pagka-stranded sa mga biyahe, linggo-linggo o buwang blackout sa pagkasira ng mga poste at linya ng kuryente, linggo o buwang walang klase sa paggawa sa mga eskwela na evacuation center.

Mapaminsala rin sa pasok sa trabaho o negosyo ang pagkasira ng mga gusali, kompyuter, tulay, pier, kalsada at iba pa.

Ang mga magsasaka, iniiyakan ang pagkasira ng kanilang mga pananim at muling pangungutang ng puhunan para rito, gayundin ang mga mangingisda na nasisiraan ng mga gamit sa pangingisda.

Maraming pagkakataon na hindi lang lugi kundi ganap na nawawalan ang maraming tao, kasama na ang kanilang mga mismong tahanan at hanapbuhay.

Totoo, napakarami at hindi masusukat ang mga biyayang parating din ng tag-ulan gaya ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig inumin at pansakahan, pagmura ng kuryente mula sa hydroelectric plant, pagliit ng konsumo ng may bayad na tubig, pagkalinis ng mga namamahong mga daluyan ng tubig, pagkakaroon ng masiglang pangisdaan at marami pang iba.

Subalit ang mga baha, landslide na dala ng tag-ulan ay hindi maikakailang labis na mapaminsala.

O maghanda na lahat laban sa mapaminsalang tag-ulan.

Alalahanin, hindi dapat iasa lahat sa pamahalaan ang mga paghahanda lalo na kung iisiping nauunang dumating ang mga pinsala kaysa pag-ayuda ng pamahalaan.

Ang babala ng pamahalaan ukol sa mga bagyo, ulan, baha, landslide ay dapat laging pakinggan ng mga mamamayan bilang gabay sa paghahanda.

Ang ating pagkukulang, pupunuan ng pamahalaan, maliban lang kung klarong ang pamahalaan muna ang kikilos bago tayo.