MANILA, Philippines – Inihahanda na ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga kinakailangang hakbang para sa agarang pagpapatupad ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa Maynila, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dahil dito, pinasalamatan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang suporta ng nasabing pambansang ahensiya at ibinahagi na sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Undersecretary Pinky Romualdez, kasama ang kanilang mga kawani, ay kasalukuyan nang tinatapos ang mga patnubay sa pagpapatupad ng nasabing programa.
“Maraming salamat po DSWD Sec. Rex Gatchalian and Usec. Pinky Romualdez sa livelihood programs support na ibababa po ninyo sa Maynila,” pahayag ni VM Atienza.
Ipinaliwanag ng bise alkalde na nakatuon ang gagawing paglulunsad sa pagpapanatili ng oportunidad na pang-ekonomiya para sa marginalized Manileños, lalu na sa mga kinakailangan ng puhunan at paghubog sa kasanayan.
Nabatid na para sa paunang yugto, target ng programa ang 20 asosasyon, kung saan ang bawat grupo ay binubuo ng 30 kasapi. Ang mga benepisyaryo ay bubuuin bilang SLP Associations sa bawat distrito upang matiyak ang maayos at napapanatiling pamamahala ng mga ipagkakaloob na tulong pangkabuhayan.
Upang masiguro na ang tulong ay makarating sa mga higit na nangangailangan, nagtakda ang OVM ng mga tiyak na kwalipikasyon. Kinakailangang magpakita ng balidong Government ID ang mga benepisyaryo at hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa SLP. Ipinatutupad din ng programa ang mahigpit na patakarang “isang benepisyaryo kada sambahayan.”
Tungkol sa proseso ng implementasyon, magsasagawa muna ng orientation para sa mga pinuno ng asosasyon upang linawin ang mga alituntunin sa paglista ng mga benepisyaryo. Pagkatapos nito, ang mga kuwalipikadong kasapi ay sasailalim sa obligadong tatlong araw na pagsasanay upang ihanda sila sa wastong pamamahala ng kanilang mga proyektong pangkabuhayan.
“Ito po ay tulong para makatayo ang mga sektor na malapit sa aming puso,” sabi pa ni VM Atienza. JAY Reyes