ILOILO CITY, Philippines – Ipapatupad ng Iloilo City Police Office (ICPO) ang 10-araw na gun ban simula Enero 15 bilang bahagi ng seguridad sa 2026 Dinagyang Festival.
Ayon kay Col. Roland Bulalacao, officer-in-charge ng ICPO, pansamantalang suspendido ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa naturang panahon.
Layunin ng gun ban na mapanatili ang kaligtasan ng lahat at matiyak na masisiyahan ang mga dumalo sa selebrasyon nang walang takot o abala.
“Ang gun ban na ito ay hindi para hadlangan ang kasiyahan kundi protektahan ang buhay ng lahat. Mahigpit ang pagpapatupad para sa kaligtasan ng lahat,” ani Bulalacao.
Hinimok din ng pulisya ang publiko, lalo na ang mga may lisensiyadong baril, na sumunod sa patakaran upang maiwasan ang abala o legal na kaso. RNT/MND