MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbigay ito ng tulong sa mahigit 12,000 na magsasaka na apektado ng tagtuyot sa lalawigan ng Isabela.
“Dahil sa deklarasyon ng state of calamity (SOC) sa probinsya ng Isabela, simula po noong Abril 14 ay namahagi na ang DSWD Field Office (FO) 2 – Cagayan Valley ng emergency cash transfer (ECT) sa mga magsasakang mais na kasalukuyang walang kita dahil sa matinding tagtuyot sa lugar. Ito ay alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang sektor ng agrikultura, at tulungan ang mga magsasaka,” ayon kay Asst. Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD, noong Biyernes (Abril 24).
Ayon sa tagapagsalita ng DSWD, bawat magsasaka ay nakatanggap ng P10,125 upang matulungan silang makayanan ang pagbaba ng produksyon ng mais dahil sa matinding init at kakulangan ng ulan sa lalawigan.
“Naglaan po ang DSWD ng higit sa Php358 milyon na pondo para sa pagpapatupad ng ECT sa probinsya.
Kaugnay nito mula Abril 14 hanggang 21, nagbigay ang Kagawaran ng emergency cash transfer assistance sa 1,909 benepisyaryo sa Cabagan; 1,383 magsasaka sa Sto. Tomas; 946 magsasaka sa Sta. Maria; 765 benepisyaryo sa Delfin Albano; 1,510 magsasaka ng mais sa San Pablo; 1,986 magsasaka sa Benito Soliven; 3,974 benepisyaryo sa Lungsod ng Ilagan; 33 magsasaka ng mais sa Aurora; at 253 magsasaka sa Gamu.
Isa sa mga magsasaka na nakatanggap ng ECT assistance ay si Milton Juan mula sa Brgy. Malapagay, Sto. Tomas, Isabela.
“Hindi namin inaasahan ang ganitong tulong pinansyal, kaya malaking bagay ito para sa amin. Malaking tulong ito sa pang-araw-araw na gastusin at gagamitin din para sa pag-aaral ng aking anak,” sabi ni Milton.
Samantala, ibinahagi ni Jocelyn Abu mula sa Lungsod ng Ilagan, na malaking bahagi ng kanilang mga pananim ay nasira dahil sa matinding tagtuyot. Santi Celario