MANILA, Philippines – TINIYAK Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na magpapa-abot ng tulong ang pamahalaan sa mga public utility vehicle (PUV) operator at driver upang masiguro ang kanilang arawang kita mula sa pamamasada sa gitna ng kinakaharap na krisis sa krudo.
Paliwanag ni Pangulong Marcos, patuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga operator at driver sa pamamagitan ng implementasyon ng iba’t-ibang programang makatitiyak ng kanilang arawang kita para sa kanilang pamilya.
“Kaya naman ginagawa ito—unang-una para yung mga operator at saka driver, dahil masyadong mataas ang presyo ng langis, masyadong mataas ‘yung presyo ng diesel, ay hindi na sila kikita. Kapag hindi na sila kumikita, hindi na sila lalabas. Wala na kayong masasakyan. Kaya’t unang-una susuportahan natin ‘yung mga driver at operator,” sinabi ni Pangulong Marcos sa kaniyang pag-inspeksyon ng implementasyon ng Net Service Contracting Program (SCP) sa Araneta Center Terminal Cubao sa Quezon City kaninang umaga.
Dagdag pa ng Pangulo, malaking tulong din sa mga komyuter ang programa dahil makakatipid sila sa pamasahe sa pamamagitan ng 20% na diskwento.
“‘Yung mga discount na binibigay natin dahil naman sa mga pasahero ito para hindi magiging mabigat ang pagbayad ng pamasahe sa mga pasahero. Both sides ang ginagawa natin. ‘Yung mga operator at mga driver, pati na rin ang mga pasahero. Ito’y patuloy naming gagawin.”, pagbibigay diin ni Pangulong Marcos.
Ayon naman kay Transportation Secretary Banoy Lopez, ipinag-utos na ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag ng i-require ang pag-install ng GPS sa mga PUVs para mas madali sa mga operator at tsuper na makasali sa net service contracting program.
“Ang sinabi sa atin ng Pangulo dapat maibsan ang hirap ng ating mga operator at tsuper at hindi na makadagdag sa gastos at intindihin sa paglalagay ng GPS. Mas padadaliin natin ito para mas marami ang makasali,” ayon kay Secretary Lopez.
Para makasali sa programa, kakailanganin na lang ng operator at tsuper ang QR code upang ma-monitor ang itatakbong kilometro ng bawat PUV unit.
Sa ilalim ng Net Service Contracting Program, babayaran ang mga bus driver at operator ng P100 kada kilometro, P40 kada kilometro para sa mga modern jeepney at P30 kada kilometro para sa tradisyunal na jeepney hanggang makaabot sa 100-kilometro kada araw.
Bukod sa mga driver at operator, makikinabang din sa programa ang mga pasahero dahil may kasamang 20% na diskwento sa pamasahe buong araw sa ilalim ng service contracting program, habang 40% naman para sa mga estudyante, senior citizens at person with disabilities (PWDs). KRIS JOSE