Home NATIONWIDE Tungkulin ng bawat Pinoy na ‘di sumuko sa banta ng panlulupig –...

Tungkulin ng bawat Pinoy na ‘di sumuko sa banta ng panlulupig – PBBM

MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tungkulin ng bawat Pilipino na protektahan ang kalayaan at hindi pagsuko sa banta at hamon na kinahaharap ng bansa.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang flag raising at wreath-laying ceremony sa Rizal Monument para sa ika-126 anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas.

Dumalo rin sa nasabing event sina Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos at ang kanilang mga anak na sina Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at William Vincent Marcos.

“Isang karangalan ang mapabilang sa lahing Pilipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa ating bansa,” ang sinabi ng Pangulo sa video message.

“At bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa natin ngayon, tungkulin ng bawat isa sa atin na pangalagaan ito at tiyakin na hindi na tayo kailanman magpapatinag sa banta ng pananakot, pananakop at pang-aapi,” dagdag na wika nito.

Hinikayat naman ng Pangulo ang mga Pilipino na palakasin ang kanilang loob, pagkakaisa at pagkakaibigan o kapatiran habang hinaharap ng mga ito ang tinatawag na modern-day challenges.

“Sa pagharap natin sa mga paghamon ng modernong panahon, nawa ay pagtitibayin natin hindi lamang ang ating katapangan, kung hindi na rin ang ating pagkakaisa at pagtutulungan,” winika ng Pangulo.

Samantala, nakiisa rin sa seremonya sina Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson.

Sinabi ng Pangulo sa mga Pilipino na sila ang mukha ng “Bagong Pilipinas,” sabay sabing ang bawat mamamayan ay maaaring maging bayani sa kanilang sarili.

Sa naturang seremonya, inawit ang “Bagong Pilipinas” hymn at binigkas ang pledge ng mga nagsidalo. Kris Jose