MANILA, Philippines – Natapos na ang tunnel boring works sa bahagi ng Metro Manila Subway Project (MMSP) na nag-uugnay sa Quezon Avenue at East Avenue stations sa Quezon City, ayon sa gobyerno nitong Miyerkules.
Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Quezon Avenue Station at ang breakthrough ng tunnel boring machine sa naturang bahagi ng proyekto.
Saklaw ito ng Contract Package 102 na nagkakahalaga ng P25.538 bilyon at kinabibilangan ng 3.1-kilometrong railway tunnel at dalawang underground stations sa Quezon Avenue at East Avenue.
Ang natapos na tunnel section ay may habang 1.13 kilometro at umaabot sa lalim na 34 metro.
“Dahan-dahan, makikita ninyo, ’yung subway project natin, dahan-dahan ay nabubuo na,” ani Marcos matapos ang inspeksyon.
Ang 33-kilometrong Metro Manila Subway ay magkakaroon ng 17 stations mula Valenzuela City hanggang NAIA Terminal 3 at inaasahang magsisilbi sa humigit-kumulang kalahating milyong commuter.
Target makumpleto ang buong proyekto sa ikaapat na quarter ng 2031. Kapag operational na, inaasahang mapaiikli nito sa humigit-kumulang 40 minuto ang biyahe mula Quezon City patungong NAIA Terminal 3 mula sa kasalukuyang tinatayang isang oras at 10 minuto. RNT