MANILA, Philippines- Arestado ang limang miyembro ng notoryus na ‘Ativan Gang’ matapos biktimahin ang isang French national na kanila munang kinaibigan nitong nakaraang Linggo, ayon sa ulat ng Mayo 28.
Sinabi ng Makati City police na ang limang nadakip na suspek ay mga residente ng Tondo, Intramuros, Nueva Ecija, at Quezon Province.
Ayon sa report, ang biktima, 23 taong gulang na French national, na pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Burgos Street, Barangay Poblacion, ay kinaibigan ng mga suspek habang ito ay naglalakad sa kahabaan ng Makati Avenue patungo ng Ayala Center nitong nakaraang Linggo.
Madali umanong nakuha ang tiwala ng biktima ng mga suspek hanggang sa sabay-sabay na silang mananghalian kung saan niyaya ng mga suspek ang biktima na magtungo sa isang sikat na tourist spot sa Manila na agad namang sumang-ayon ito.
Bago pa man makarating sa kanilang destinasyon ay tumigil ang mga ito sa isang convenience store kung saan inalok ang biktima ng beer ngunit tumanggi ito at sa pagkakataong iyon ay sinaksakan ng injection ang biktima na naging dahilan ng kanyang agarang pagkawala ng ulirat.
Hilo pang nagising ang biktima dakong alas-10 ng gabi na namalayan niyang nasa loob siya ng nakaparadang taxi sa Gil Puyat Avenue, Barangay Palanan.
Dito na niya napagtanto na nawawala na ang kanyang iPhone at P6,000 na tinangay na ng mga suspek.
Agad siyang humingi ng tulong sa Police Substation 2 sabay ng pagsasampa ng reklamo laban sa mga suspek sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati City Police.
Sa nakalap na CCTV footage ng isang Japanese restaurant sa lugar ay nakilala ang mga suspek na dati na ring sangkot sa kaparehong modus ng grupo.
Sa tulong ng “Find My” app ay na-track ng biktima ang kanyang iPhone sa Intramuros, Manila kung saan agad na kumilos ang mga tauhan ng IDMS tracker team at pagdating sa lugar ay tiyempong pasakay ng taxi ang dalawa sa mga suspek kung kaya’t nagkaroon pa ng maiksing habulan bago nadakip ang mga ito malapit sa 2nd Street at Mel Lopez Boulevard at narekober ang iPhone ng biktima pati na rin ang kanyang mga identification cards, at iba pang gamit na ninakaw sa kanya.
Napag-alaman din sa Makati City police na ang isa sa mga suspek ay mayroong pending arrest warrant sa kasong theft sa Mandaluyong habang ang isa naman sa mga ito ay nahaharap sa kasong multiple theft sa Manila.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang limang suspek sa na nahaharap sa kasong robbery na nakapailalim sa Article 293 ng Revised Penal Code sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan