CAMP FLORENDO, La Union- Nalunod ang isang turistnoang Amerikano sa dagat sa Saud Beach Resort sa Barangay Saud, Pagudpud, Ilocos Norte nitong Sabado ng hapon.
Kinilala lamang ang biktima sa pangalang John.
Ayon sa mga pulis, narekober ng mga residente ang biktima at nagsagawa ang mga rumespondeng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng first aid at dinala siya sa isang ospital kung saan siya idineklarang patay.
Samantala, natagpuan ang dalawang bangkay ng lalaki sa dalawang bayan sa La Union nitong Sabado at Linggo ng umaga.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Jian Nacionales, 20, residente ng Purok 2, Santo Domingo Norte, Luna, La Union, at Nebrado Gonzales, 59, magsasaka, ng Barangay Rimos 5, Luna.
Nadiskubre ang labi ni Nacionales ng kanyang kapatid sa isang sakahan 200 metro ang layo mula sa kanilang tahanan sa Purok 2 nitong Linggo.
Ayon sa mga pulis, umalis ng bahay ang biktima bandang alas-7:30 ng gabi noong Sabado upang manghuli ng palaka.
Anim na oras nang patay si Nacionales nang matagpuan siya. Base sa inisyal na findings, nasawi ito dahil sa tuklaw ng ahas.
Natagpuan naman ng mga residente ang bankay ni Gonzales sa dalampasigan ng Barangay Mindoro, Bangar, La Union nitong Sabado,
Inihayag ng mga awtoridad na pumunta ang biktima sa kanyang binahang taniman upang magpakain ng mga kalabaw subalit hindi na ito nakauwi.
Lumabas sa post-mortem examination na nasawi ang biktima dahil sa pagkalunod. RNT/SA