Home NATIONWIDE Typo errors ‘di uubra para mapabagsak prosekusyon vs VP Sara – Rep...

Typo errors ‘di uubra para mapabagsak prosekusyon vs VP Sara – Rep Garin

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Deputy Speaker at Iloilo Rep Janette Garin na hindi sapat ang mga typographical at documentary error upang mapatunayan ng defense team na walang saysay ang kaso ng House prosecution sa ilalim ng Article IV ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Garin, hindi nito maaapektuhan ang mga authenticated recording o ang seryosong banta na sinusuri ngayon ng Senate Impeachment Court.

“Hindi siya nabutasan kasi napakaklaro naman na ang pinag-usapan doon ay tama ba yung video, hindi ba siya AI, hindi ba siya manipulated,” pahayag ni Garin sa isang press conference.

Sinabi pa ng mambabatas na sumailalim sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang video kung saan napatunayang hindi ito minanipula at lalong hindi gawa ng artificial intelligence.

Sa cross-examination kay NBI Regional Director Jeremy Lotoc kinuwestiyon ng defense panel ang mga discrepancy o pagkakaiba sa mga docket number, petsa, at iba pang entry sa mga dokumentong ipinasa sa pagitan ng NBI at Department of Justice (DOJ).

Ipinaliwanag naman ni Lotoc na ang DOJ ang nagtalaga ng mga docket number at natural na nagpabalik-balik ang mga dokumento sa dalawang ahensya para sa pagsunod sa mga proseso o procedural requirements.

Iginiit ni Garin na ang mga tanong ng defense ay malayo sa pinakapuso ng usapin.

Aniya, ang dapat sagutin ay kung sinabi ba talaga ni Duterte ang mga naturang pahayag, kung totoo ang mga recording, at kung ito ba ay sapat na basehan para sa betrayal of public.

“Bakit ba tila nililihis ng defense yung issue? Bakit hindi nila sagutin: totoo ba o hindi yung pagbabanta ng pagpatay?” tanong pa ni Garin.

Sinegundahan naman ito ni private prosecutor at House prosecution legal spokesperson Benjamin  Tolosa Jr. na nagsabing ang impeachment court na ang magpapasya sa bigat ng testimonya ni Lotoc.

Ipinaalala rin nito na tinanong na mismo ng mga senator- judges si Lotoc  kung may epekto ang mga clerical error sa kabuuang resulta ng imbestigasyon ng NBI at sinabi nitong walang nagbago kung gaano kabigat ang naging pagbabanta na ginawa ni VP Duterte.

Naniniwala si Tolosa na ginagamit lamang ng defense ang mga clerical discrepancy para palabasing hindi naging masusi ang imbestigasyon ng NBI ngunit ang maling spelling, maling petsa, maling docket number ay walang epekto sa kaso. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here