MANILA, Philippines – Hindi beripikado o walang patunay na impormasyon upang simulan ang masusing imbestigasyon sa paratang ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may planong pagpatay dito sa pamamagitan ng Romanov Plot.
Ganito ang ipinaliwanag ni Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng BARMM sa pagpapatuloy ng kanyang testimonya sa ikaapat na araw ng paglilitis ni Duterte sa impeachment court, sa cross examination ni Senator-judge Erwin Tulfo nitong Martes.
Sa kanyang cross examination, kinuwestiyonn ni Tulfo kung ano ang ginawa ng NBI sa paglutang ng Romanov Plot laban kay VP Sara na una nitong nadinig kay Davao City mayor Sebastian “Baste” Duterte ang sinasabing planong pagpatay sa kanyang kapatid.
“Just want to direct my question to the witness here, yung Romanov Plot. Well, aside from what Senator Judge [Raffy] Tulfo said, that came from Baste [Duterte], but I picked it up doon sa video na pinalabas kanina ng defense yung Romanov Plot versus. Sara, according to Princess Maui. Did you take that information seriously or not?,” tanong ni Tulfo.
Sa kanyang tugon, sinabi ni Lotoc na nagsimulang magsagawang open source investigation ang NBI nang unang marinig ang Romanov Plot laban kay Duterte na binanggit ng isang Princess Maui.
“Tinignan po namin baka mayroon. Ayun nga ang nakita namin yung January 2024 during Maisug rally, if I’m not mistaken yung the term, the word Romanov ang nagbigkas po noon si Mayor Baste ho, your Honor,” tugon ni Lotoc kay Tulfo.
Itinanong din ni Tulfo kay Lotoc na kung ano ang assessment ng NBI sa statement ni Princess Maui sa kumalat na video sa social media hinggil sa pagtatanong nito kay VP Sara hinggil sa planong pagpatay sa bise presidente.
“So, yung statement ni Princess Maui sa video, how do you rate that info? Sa inyo po, sa NBI, sa mga intelligence agencies, yung mga information po ninyo, may rating. Tama po ba? Correct me if I’m wrong here, Mr. Witness,” tanong ni Tulfo kay Lotoc.
Ayon kay Lotoc, unang ginawa ng NBI na imbitahan si Princess Maui na maglinaw sa sinasabing Romanov Plot na kanyang binanggit sa video upang simulan ang imbestigasyon.
“Since hindi po nag-appear si Princess Maui, wala po kaming basis. So, clinasify muna namin ito ng non-validated information. Naghanap kami sa open source. Yun nga, nakita namin, ang unang nagbigkas niyan, si Mayor Baste. So, medyo nakita namin, teka muna, parang baliktad yata ang sitwasyon. Kung kay Mayor Baste nagsimula ang Romanov, bakit dito ito yung tinatanong ni Princess Maui sa Bise-Presidente? So, medyo, it doesn’t make sense, sir. Wala kami na-validate since hindi nag-appear si Princess Maui. So, we classified the information as unvalidated information,” giit ni Lotoc.
Tugon pa ni Lotoc kay Tulfo na nagsagawa sila ulit ng open source investigation sa sinasabing Romanov Plot nang hindi dumating si Princess Maui sa naturang impormasyon.
“So, what you did, nung hindi mo ma-confirm yung kay Princess Maui na information, naghanap ka ng counter source?,” tanong ni Tulfo.
“Yeah, based doon, sa video na yun, January if I’m not mistaken, yun nga yung Maisug rally, your honor, ang unang nagbanggit ng Romanov, si Mayor Baste, parang tinatakot niya yung President,” ayon kay Lotoc.
Giit pa ni Lotoc na hindi reliable ang impormasyon ni Princess Maui sa Romanov Plot kaya’t pansamantalang isinantabi ang imbestigasyon hangga’t walang sapat at matibay na magkukumpirma sa naturang plano.
“Hindi reliable so far as the cybercrime division is concerned,” ayon kay Lotoc. Ernie Reyes