MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang anumang kaugnayan sa mga kuwestiyonableng flood control projects sa Bulacan, kasunod ng mga alegasyong inuugnay siya kay dating district engineer Henry Alcantara.
“Never, never,” tugon ni Villanueva nang tanungin kung may naging transaksyon sila ni Alcantara, na inakusahan ng pagpirma sa mga ghost at substandard projects na mismong binanggit ni Pangulong Marcos Jr.
“Ang transaction is, what is transaction?…So, yun ba, is an evidence, na sangkot? Bakit si Joel lang yung tinuturo? Bibigyan ko kayo lahat ng picture nilang lahat. Bibigyan ko kayo lahat ng video nilang lahat. So, bakit? Bakit ako? Bakit ako? Kasi nagpapagulo sila. Gusto nilang guluhin,” ani Villanueva kasabay ng pagkuwestyon kung bakit tila sini-single out siya.
Tinukoy din niya ang mga pekeng contractor tulad ng Wawao Builders at St. Timothy Construction, na aniya’y bahagi ng sistematikong katiwalian.
“Well, it looks like they are dummy companies, no?…Klaro yan eh. Even Secretary [Manuel] Bonoan made mention na totoo na nagpapahiram, nabebenta… ang bilis nakakagawa ng kumpanya at nakakapasok. Wala talagang mekanismo,” dagdag pa ng senador.
Binigyang-diin ni Villanueva na ilang ulit na niyang isinampa sa Senado ang isyu ng pagbaha sa Bulacan at mananatili siyang nananawagan ng pananagutan.
Dagdag pa niya, magsasampa siya ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng “fake news” na nag-uugnay sa kanya sa anomalya. RNT