MANILA, Philippines – Nagbuhos ang Severe Tropical Storm Kristine ng mahigit 700 millimeters ng ulan o katumbas ng dalawang buwan na ulan na ibinuhos lamang sa loob ng 24 oras sa Naga City, Camarines Sur.
Ang ulan na ito ay nagdulot ng malawakan at matinding pagbaha sa lungsod.
“Mga 700 milimiters of rain — accumulated rainfall na namin ‘yun… ‘yung normal na monthly average lang naman ng Naga [City] sa rainfall ay nasa 230 to 235 lang naman,” pahayag ni Allen Reondanga, Administrative Officer sa Naga City, sa panayam ng GMA News.
Samantala, inilarawan naman ni Naga City Mayor Nelson Legacion ang sitwasyon bilang “unprecedented” kung saan 30% ng territorial jurisdiction at 70% ng populasyon nito ang apektado.
“Lumalabas na around 30 percent of the entire territorial jurisdiction ng Naga [City] ay binaha, and around 70 percent ng ating population ay naapektuhan o nakaranas ng pagbaha. First time, unprecedented po ito,” ani Legacion.
“‘Yung Naga ay part ng Bicol River Basin. ‘Yung floodwater ng Albay, ng Rinconada, ay pumapasok pababa dito sa lungsod ng Naga… very abnormal yung nangyari,” dagdag niya. RNT/JGC