Home NATIONWIDE Ulat ng higit 100 Pinoy na inaresto sa China, kinukumpirma ng DFA

Ulat ng higit 100 Pinoy na inaresto sa China, kinukumpirma ng DFA

1
0

MANILA, Philippines — Agad na kumilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang alamin ang buong detalye sa ulat na mahigit 100 Pilipino ang inaresto ng Chinese authorities sa China dahil umano sa paglabag sa immigration laws.

Sinabi ng DFA nitong Huwebes, Agosto 13, na nakikipag-ugnayan ito sa Philippine Embassy sa Beijing at sa mga Philippine Consulates-General sa China upang beripikahin ang eksaktong bilang ng mga Pilipinong inaresto, dahilan ng kanilang pagkakaaresto at kasalukuyang kalagayan ng mga ito.

Kasunod ito ng pahayag ng Chinese Ministry of Foreign Affairs hinggil sa pagkakaaresto sa mahigit 100 Philippine nationals sa kanilang bansa.

Bagama’t hindi pa makumpirma ng DFA ang eksaktong bilang at mga detalye ng umano’y immigration violations, tiniyak ng ahensya na bibigyan ng kinakailangang consular assistance ang mga apektadong Pinoy.

Kaugnay nito, iginiit ng Pilipinas na iginagalang nito ang soberanya ng China at ang karapatan nitong ipatupad ang sariling immigration laws sa mga dayuhang nasa kanilang teritoryo.

Gayunman, binigyang-diin ng DFA na kailangang maisagawa ang anumang pag-aresto at pagpapatupad ng batas alinsunod sa due process at umiiral na legal procedures.

Nanawagan din ang Pilipinas sa Chinese authorities na tiyakin ang kalagayan at kapakanan ng mga naarestong Pilipino at agad na ipagbigay-alam sa Philippine Foreign Service Posts ang kanilang pagkakaaresto at pagkakadetine.

Ayon sa DFA, naaayon ito sa Vienna Convention on Consular Relations at sa 2013 Philippines-China Consular Agreement, na nagbibigay-daan sa mga kinauukulang opisyal ng Pilipinas na makatulong sa kanilang mga kababayan na nasasangkot sa mga kaso sa ibang bansa.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa mga diplomatic posts nito sa China upang matukoy ang tunay na bilang ng mga Pilipinong naaresto, ang dahilan ng kanilang pagkakadakip at ang nararapat na tulong na maaaring ibigay ng pamahalaang Pilipinas.

Sa ngayon, hinihintay pa ng Philippine government ang karagdagang impormasyon mula sa Chinese authorities bago makapagbigay ng kumpletong detalye sa naturang insidente. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here