MANILA, Philippines – Inatasan ni Interior Secretary Jonvic Remulla si Nueva Ecija Vice Governor Gil Raymond Umali na pansamantalang umupo bilang gobernador matapos ipataw ng Office of the Ombudsman ang isang taong suspensiyon na walang sahod kay Governor Aurelio “Oyie” Umali, na kanyang kapatid.
Natuklasan ng Ombudsman na nagkasala si Umali ng grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the service dahil umano sa iligal na pag-isyu ng 205 quarry permits nang walang kaukulang sertipikasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa Commission on Audit, nakalikom lamang ang probinsya ng ₱400,000 mula sa quarry collections noong 2022 at ₱1 milyon noong 2023, na malayo sa target.
Tinangka ni Aurelio na mag-file ng sick leave mula Agosto 13 hanggang 29, ngunit sinabi ng DILG na sakop na ito ng kanyang suspensiyon.
Sa pag-upo ni Gil Raymond bilang pansamantalang gobernador, si Senior Board Member Eduardo Jose Joson ang hahalili bilang vice governor. RNT