Home METRO Umawat sa away… Magkapatid pinagsasaksak; 1 patay, 1 sugatan

Umawat sa away… Magkapatid pinagsasaksak; 1 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines – PATAY ang isang lalaki habang sugatan naman ang kanyang kapatid matapos pagsasaksakin ng isa sa apat na kalugar makaraang umawat ang mga biktima sa away sa Malabon City.

Hindi umabot nang buhay sa Makatao hospital sanhi ng tinamong tatlong saksak sa katawan ang biktimang si Marlon Dollete, 36, habang ginagamot naman sa Tondo Medical Center sanhi ng saksak sa ibabang bahagi ng dibdib ang kanyang kapatid na si Flaviano, 27, kapwa ng Blk 15, Lot 17, Karisma Ville, Brgy. Panghulo

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek na sina alyas Ryan, 18, alyas Joven, 28, at alyas Seth, 27, habang pinaghahanap pa ng pulisya si alyas Samboy, nasa hustong gulang, pawang residente ng Alley 9, Karisma, Brgy. Panghulo.

Sa ulat nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Allan Bermejo Jr kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-6:40 ng Linggo ng gabi nang maganap ang insidente sa Karisma Village, Road 4, Brgy., Panghulo.

Sa pahayag ng mga saksi sa pulisya, nag-iinuman ang mga suspek malapit sa naturang lugar nang isang alyas Roderick na nangungupahan sa isang apartment sa lugar ang nagbabala sa kanila na ikinagalit ng mga ito at hinanap si ‘Roderick”.

Nang makita, sinapak ni ‘Ryan’ sa mukha si ‘Roderick” hanggang sa umawat na ang iba pang mga nangungupahan kabilang ang magkapatid subalit, pinagtulungang hawakan ng tatlo sa mga suspek ang mga biktima bago pinagsasaksak ni ‘Samboy’.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek subalit, naaresto naman sa follow-up operation ang tatlo sa kanila at narekober ang isang bladed weapon (bolo) habang isinugod naman ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na umabot ng buhay si Marlon, samantalang inilipat sa TMC hospital ang kanyang kapatid. Rene Manahan