Home NATIONWIDE Unang batch ng Pinoy seasonal workers tumulak na sa SoKor

Unang batch ng Pinoy seasonal workers tumulak na sa SoKor

MANILA, Philippines- Umalis na ng Pilipinas ang unang batch ng mga manggagawang Pilipino na kalahok sa 2024 seasonal workers program (SWP) sa South Korea, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Biyernes. 

Kabuuang 39 seasonal farm workers mula sa mga bayan ng Apalit, Lubao, at Magalang sa Pampanga ang lumipad patungong South Korea noong Huwebes sa ilalim ng SWP ayon sa DMW.

“Ito ang unang batch ng mga seasonal farm workers na napaalis ng DMW sa ilalim ng ‘Interim Pipeline Processing’ procedure na naglalayong maglaan ng mga probisyon at garantiya para sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang nakapaloob sa programang SWP ng mga local government units ng Pilipinas sa South Korea,” sabi ng  DMW.

Noong Disyembre 2023 ay mayroong 3,353 Filipino seasonal worker sa South Korea

Enero nang ipatupad ng DMW ang moratorium sa deployment ng mga seasonal na manggagawa kasunod ng mga reklamo ng mga manggagawang Pilipino.

Upang matugunan ang sitwasyon, nauna nang sinabi ng ahensya na maglalabas ito ng permanenteng mga alituntunin para sa deployment ng mga Filipino seasonal worker na sasakupin ang kanilang mga pamantayan ng proteksyon, patas na pagtrato, disenteng oras ng pagtatrabaho at sahod, pag-access sa hustisya, at ang pagsubaybay at pagbabawal laban sa labis na bayad. 

Samantala, pinaalalahanan ng DMW ang mga Filipino na libre ang aplikasyon para sa SWP at pinayuhan ang publiko na mag-ulat ng mga indibidwal na humihingi ng recruitment fees. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleLead Safe Paint certification iginawad sa Triton
Next articleEx-director ng BOC na sangkot sa estafa sibak sa pagka-abogado