MANILA, Philippines- Iniutos ng Supreme Court na matanggalan ng lisensya bilang abogado ang dating direktor ng Bureau of Customs (BOC) na kunwari ay ibinebenta ang sasakyan na kinumpiska mismo ng BOC.
Nabatid na ginamit ni Atty. Jorge P. Monroy ang kanyang posisyon sa BOC sa detalyadong pamamaraan ng panloloko kung saan nagpanggap siyang awtorisadong magbenta ng nakumpiskang sasakyan.
Hinatulang guilty si Monroy ng paglabag sa Canon II, Sections 1, 2, at 28 ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) at dinisbar sa pagiging abogado matapos magpanggap na ang kanyang posisyon bilang Director III ng Bureau of Customs (BOC) – Financial Services ay may kapangyarihan na magbenta ng mga nakukumpiskang sasakyan.
Iniutos ng SC na matangal ang pangalan ni Monroy sa Roll of Attorneys at pinagmulta ng ₱20,000 dahil sa pagsuway sa kautusan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Batay sa rekord, July 2000 ay inalok ni Monroy sa complainant na si Julieta L. Co ng Toyota Land Cruiser sa halagang ₱1.4 million. Tiniyak pa ni Monroy na legal ang magiging transaksyon at makapag-iisyu pa umano ng resibo ang BOC.
Nagtiwala ang complainant dahil kilala nito si Monroy mula pa high school.
Nagbigay ang complainant ng ₱150,000 at matapos ang tatlong araw ay ibinigay nito ang balanse na ₱1,250,000 na iniabot sa kanyang opisina.
Hindi pa rin nakuha ng complainant ang sasakyan dahil isa umanong undersecretary ng Department of Finance (DOF) ang hindi pa nakapipirma sa dokumento.
Inamin na lamang ni Monroy sa complainant na hindi na mailalabas ang sasakyan dahil meron umanong tumangay sa pera.
Nangako ang BOC official na ibabalik ang pera ngunit hindi ito nangyari.
“Monroy used his position as a BOC Director to make it appear that the transaction was legitimate by falsely representing to complainant that his position in the BOC had the specific authority to sell vehicles seized by the agency. He carried out the transaction inside his office at the BOC and engaged the participation of his staff members to gain complainant’s trust. He then conveniently claimed that the PHP 1.4 million paid by complainant for the vehicle was taken from his office, and refused to return the amount.”
Sinabi ng SC na nabigo si Monroy na magpakita ng mataas na moral standards na inaasahan sa mga miyembro ng legal profession. Teresa Tavares