MANILA, Philippines – Naganap ang kauna-unahang Bicameral Conference Committee (Bicam) hearing sa P6.793-trilyong General Appropriations Bill (GAB) o panukalang pambansang budget para sa 2026 noong Sabado, Disyembre 13, 2025, at tumagal ito ng 10 oras at 23 minuto.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ito ay na-livestream para sa publiko.
Nagsimula ang hearing noong Sabado, Disyembre 13, 2:12 p.m. sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay, at nasuspinde noong 12:35 a.m. ng Linggo, Disyembre 14.
Tinalakay sa unang araw ang budget ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), at iba pang kalakip nilang ahensya.
Bagaman may mahahabang talakayan, naging maayos at magalang ang daloy ng pagdinig, at walang kailangang magsigaw para iparating ang opinyon.
Nagkasundo sina House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ng Nueva Ecija at Senate Finance Committee Chairperson Sen. Sherwin Gatchalian na ipagpatuloy ang hearing sa Linggo, Disyembre 14, bandang 2 p.m.
Ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na itinuturing na pinaka-controversial sa budget cycle na ito, ay tatalakayin sa inaasahang isa pang mahabang hearing. RNT/MND