MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang ranking members ng House of Representatives sa international community na panagutin ang China dahil sa patuloy at lumalalang agresyon nito sa West Philippine Sea (WPS).
Pinangunahan ang panawagan nina Deputy Speakers Paolo Ortega V, Jay Khonghun, at Deputy Majority Leaders Zia Alonto Adiong, Rodge Gutierrez, at Ernix Dionisio, na kilala bilang “Young Guns.” Ayon sa kanila, mahalagang bumalik sa isang rules-based dialogue sa pagharap sa isyu sa China.
Iginiit ng mga mambabatas ang kanilang paninindigan sa pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas at sa suporta sa mga mangingisda at Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabantay sa karagatang sakop ng bansa.
Tinukoy nilang agresyon ang umano’y paggamit ng China Coast Guard (CCG) ng high-pressure water cannons laban sa mga Pilipinong mangingisda malapit sa Sabina Shoal (Escoda Shoal) noong Disyembre 12. Ayon sa kanila, mapanganib at labag sa batas ang naturang insidente.
Tatlong mangingisda ang nasugatan, kabilang ang pagkakaroon ng pasa at bukas na sugat, habang dalawang bangkang pangisda ang malubhang nasira. Kinumpirma ito ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, na nagsabing napakalakas ng water cannons at nakasira pa ng mga kahoy na bahagi ng mga bangka.
Ayon sa Young Guns, halos dalawang dosenang bangkang Pilipino ang tinarget kahit sila ay legal na nangingisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Nalagay sa panganib ang buhay at kabuhayan ng mga mangingisda na naghahanapbuhay lamang para sa kanilang pamilya.
Nagpahayag din sila ng pakikiisa at panalangin para sa agarang paggaling ng mga sugatang mangingisda, at pinuri ang PCG sa mabilis na pagresponde, pagbibigay ng unang lunas, at paghatid ng suplay sa kabila ng pangha-harang ng mga barko ng China.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang mga aksyon ng CCG ay lumalabag sa international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award, na malinaw na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Anila, ang ganitong mga insidente ay banta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at hindi dapat palampasin. RNT/MND