MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, araw ng Lunes ang pamamahagi ng tulong na bigas sa Barangay Doña Imelda sa ika-apat na distrito ng Quezon City para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Sa ilalim ng programang Mula sa Puso Para sa Pamilya, layunin ng inisyatiba na makapagbigay ng agarang tulong sa mga pamilya sa Metro Manila.
“Nandito po ako bilang ina kasi alam ko, as a mother, mahalaga na magkaroon ng pagkain sa lamesa natin. Maski na po konting tulong lang ‘to, I hope it goes a long way, few days that we can help you,” ani ng Unang Ginang sa ginanap na programa sa D4 Amphitheater sa Barangay Doña Imelda, kung saan naghatid siya ng mensahe ng pakikiisa, malasakit, at pag-asa.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, may kabuuang 1,200 benepisyaryo ang tumanggap ng tig-10 kilong bigas na nagkakahalaga ng P550 bawat isa sa ilalim ng programang pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) na inilabas ng Tanggapan ng Pangulo sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon City.
Ang LGSF ay programang pinansyal ng pambansang pamahalaan na nagbibigay ng direktang tulong sa mga local government units (LGU) para sa mga prayoridad na programa, proyektong pang-imprastraktura, at mga serbisyong pampubliko.
Sinabi ni Belmonte na naglaan ang Tanggapan ng Pangulo ng P462.9 milyon para sa rice subsidy program ng Quezon City, na pakikinabangan din ng mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang ani.
Sinabi rin ng alkalde na ginamit ng lungsod ang Sagip Saka Act upang direktang makipagnegosasyon sa mga kooperatiba ng mga magsasaka para sa lokal na suplay ng bigas.
Idinagdag niya na inaasahang makikinabang sa programa ang kabuuang 210,455 pamilya, o humigit-kumulang 25 porsiyento ng lahat ng pamilya sa Quezon City.
Ang isinagawang pamamahagi, araw ng Lunes ay ang ikalawang bugso ng rice distribution program sa Quezon City. Dalawa pang bugso ang isasagawa upang makumpleto ang apat na nakatakdang distribusyon.
Sinabi naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council, na ipatutupad din ang kaparehong programa sa iba pang lungsod sa Metro Manila na tatagal hanggang Nobyembre ngayong taon. (KRIS JOSE)