MANILA — PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang pagbubukas ng kauna-unahang “My Manila Tourism Expo 2026” nitong Biyernes, Setyembre 25, sa Foro de Intramuros.
Tatlong araw ang expo na tatagal hanggang Linggo, Setyembre 27, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi. Libre ang pagpasok at mahigit 12,000 katao ang nagparehistro para sa naturang aktibidad.
Kasabay ng expo ang paglulunsad ng bagong tourism campaign ng lungsod na “Manila, My Manila,” na naglalayong ipakilala sa mga lokal at dayuhang turista ang kasaysayan, kultura, pagkain at iba’t ibang karanasan sa kabisera.
Ayon kay Domagoso, maraming kuwento ang Maynila na dapat maipakita sa publiko, mula sa mga makabagong gusali hanggang sa mga makasaysayang estrukturang ilang siglo nang nakatayo.
“Manila has a lot of stories to tell. Sa bawat sulok nito, may kwento. Sa bawat eskinita at boulevard, laging may kasaysayan at nakaraan,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde ang mga personalidad na naging bahagi ng kasaysayan ng lungsod, kabilang sina Rajah Sulayman, Andres Bonifacio, Asiong Salonga at Victor Lopez Jr., na tinaguriang “Robinhood” ng Tondo.
Sinabi naman ni Manila City Tourism Officer at Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) Director Cristal Bagatsing na nais nilang baguhin ang pananaw ng publiko sa Maynila—mula sa isang lungsod na kailangang puntahan tungo sa isang lugar na tunay na gustong maranasan.
Nakatuon ang expo sa 11 tema ng karanasan sa Maynila, kabilang ang My Heritage, My Flavor, My Creativity, My Night, My Journey, My Family, My Passion, My Business, My Health, My Future at My Adventure.
May mga seminar, konsiyerto, gala shows, film screenings, Manila City Band concert at MIDAS Awards din na bahagi ng tatlong araw na aktibidad.
Para kay Domagoso, hindi lamang turismo at pagpapakilala sa Maynila ang layunin ng expo kundi ang paglikha rin ng trabaho para sa mga Manileño.
Aniya, habang dumarami ang mga lokal at dayuhang turistang bumibisita sa lungsod, mas maraming oportunidad sa kabuhayan ang maaaring mabuksan para sa mga residente.
Dumalo rin sa programa sina Intramuros Administrator Atty. Joan Padilla, mga konsehal ng lungsod at iba pang department heads ng Manila City Government.
Hinimok naman ng pamahalaang lungsod ang mga residente at turista na ibahagi sa social media ang kanilang mga karanasan sa Maynila gamit ang #ManilaMyManila at #MyManilaTourismExpo2026. JAY Reyes