Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na maipapatupad na ngayong taon ang unang tranche ng salary increase para sa mga government workers.
Sinabi ni DBM secretary Amenah “Mina” Pangandaman na ipinahayag ito sa isinagawang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa House Committee on Appropriations, sa opisyal na pagsisimula ng deliberasyon ng House of Representatives sa proposed P6.352 trillion National Budget para sa 2025.
Kasama ang iba pang miyembro ng economic team ni President Ferdinand R. Marcos Jr., iprinisenta ng Kalihim ang key dimensions at highlights ng proposed National Budget para sa susunod na taon.
“For this year po, we’re still finalizing, Madam Chair, ‘yung guidelines po, but initially, ‘yung balanse po for the adjustment, puwede pong kunan sa MPBF (Miscellaneous Personnel Benefits Fund) kasi meron pa po tayong more or less P19 billion d’yan. And then ‘yung balance po, kukunin po natin sa Unprogrammed Appropriations po,” paliwanag ni Secretary Mina matapos tanungin kung kailan ipatutupad ang Salary Standardization Law VI (SSL VI), kasunod ng pag-isyu ng Executive Order (EO) No. 64 noong ika-02 ng Agosto 2024.
Nauna nang ibinahagi ng DBM na ang kinakailangang pondo sa pagpapatupad ng unang tranche ng SSL VI para mga empleyado ng national government sa 2024 ay tinatayang nasa higit-kumulang P36 billion.
Pinuri naman si Budget Secretary ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, na siyang nagtanong at humingi ng linaw tungkol sa implementasyon ng unang tranche ng SSL VI, lalo na para sa pagsasagawa ng Kalihim ng mga mahahalagang dayalogo kasama ang mga guro.
Nauna nang nakipagpulong si Sec. Mina noong nakaraang buwan sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers’ Dignity Coalition (TDC) upang pag-usapan ang mga kritikal na isyu na nakaaapekto sa sektor ng edukasyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)