MANILA, Philippines – Nanindigan ang Transportation group na PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide) nitong Sabado na hindi dapat ituring na “colorum” at hindi dapat i-flag down ang mga nabigong isama ang kanilang mga public utility vehicles (PUV) sa mga kooperatiba.
“Ang ating mga jeepney ay hindi po colorum sapagkat ito ay may lehitimong mga prangkisa. Ang ano lang dito, expired ang kanilang prangkisa sa kadahilanan na ayaw i-renew ng LTFRB,” ani Mody Floranda, National President of PISTON sa isang interbyu.
“Magkaiba kasi yung colorum ay mga puti ang plaka at hindi mga pampasaherong sasakyan. Hanggang ngayon hawak pa din ng mga operator ang prangkisa,” dagdag pa ni Floranda.
Ang pahayag ni Floranda ay matapos sabihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkoles na sisimulan na nilang hulihin ang mga jeepney driver na nabigong mag-consolidate bilang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) dahil sila ay maituturing na ilegal at maituturing na colorum.
Gayunman, sinabi ni Floranda na wala pang show cause order ang LTFRB na humihingi ng paliwanag kung bakit hindi sila nakasunod.
“Batay sa announcement ng LTFRB dapat eto (prankisa) ay hindi basta basta tinatanggal sating mga operator. At batay sa pronouncement ng chairman ng LTFRB eto at papadalhan ng summon at pagpapaliwanagin kung bakit hindi sila nagcomply sa programa ng PUVMP,” ani Floranda.
“Pero sa kasalukuyan tayo ay wala pang report mula sa lokal na nakatanggap sila ng summon mula LTFRB… Kaya walang basehan ang LTFRB na huhulihin na nila ang mga jeepney,” giit pa niya.
“Hindi tayo colorum at hawak pa ng mga operator ang kanilang mga prangkisa.”
Nauna nang sinabi ng LTFRB na ang mga unconsolidated jeepney drivers na makikitang bumibiyahe pa rin sa mga ruta ay maaring mapatawan ng isang taong suspensiyon, habang ang kanilang PUV ay maaaring makakuha ng P50,000 penalty at maharap sa 30-araw na pagkakakulong. RNT