MANILA, Philippines- Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi papayagang makabiyahe ang unconsolidated passenger vehicles habang pinag-aaralan pa ng binuong komite ni DOTr Secretary Vince Dizon ang PUV Modernization program.
Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Ariel Inton, sa ngayon ay patuloy na pinag-aaralan ng komite ang PUV modernization para higit na mapaganda ang implementasyon ng naturang programa.
Sa ginanap na QC Journalist forum, nabatid kay Inton na sa kasalukuyan ay mahigit 40 percent pa lamang na may higit 80 percent na nag-aplay sa PUV consolidation ang naaprubahan ng LTFRB.
“Wala pang direktiba sa LTFRB na papayagang makabiyahe ang mga unconsolidated vehicles at kasama yan sa pinag-aaralan ng binuong komite ng DOTr kung papayagan sila na makabiyahe” ayon kay Inton.
Idinagdag pa ng tagapagsalita ng LTFRB na wala pang ibinababa sa ahensya hinggil sa naturang usapin at sinabi na sa ngayon, ang consolidated PUVs lamang ang binigyan ng permit ng LTFRB na makapasada.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Leonard Bautista, executive Vice President ng transport group na LTOP na mayroong unconsolidated vehicles ang patuloy na pumapasada dahil wala pa namang malinaw na batas ang DOTr hinggil dito.
“Kami sa aming hanay ay mga nagpa consolidated na pero hanggang ngayon ay wala pang linaw ang programang yan kaya may mga unconsolidated vehicles ang patuloy na nakakabiyahe” sabi ni Bautista.
Sinabi pa ng transport lider na silang nagpa-consolidate ay hirap na mabayaran ang monthly payments sa mga pinagkunan nila ng modernized jeep at umaasa na maaayos din ang naturang programa.
Samantala, nanawagan din si Bautista na maisama ng DOTr ang mga driver sa ginagawang pag-aaral sa PUV modernization dahil ang hanay nila ang nasa ground na dapat makaalam ng mga impormasyon sa programa. Santi Celario