Home OPINION UNDERGROUND CABLING SA DAVAO CITY

UNDERGROUND CABLING SA DAVAO CITY

KUNG magagawi kayo sa business district ng Davao City ay may mapupuna kayo? Wala na kasi ang sala-salabat na overhead wires na dumaraan sa ibabaw ng mga kalsada dahil simula pa noong taong 2014 ay ipinag-utos na ng pamahalaang panlungsod ang “underground cabling” na isinasagawa ng Davao Light and Power Company, Incorporated.
Sa orihinal na plano, dapat ay noong taong 2020 pa tapos ang underground cabling ng mga pangunahing lansangan ng Davao City na tinatawag na “Kadayawan route” pero naapektuhan ito ng COVID-19 pandemic kaya naurong ito ng taong 2029.
Nitong August 2021 ay natapos na ang kahabaan ng Claro M. Recto Street at ang San Pedro Street nito lamang February 2023.
Nasa 60% na ang first phase ng Ramon Magsaysay Avenue habang nasa 12% na ang second phase na sumasakop sa Magsaysay Park.
Isasailalim din sa underground cabling ang C. Bangoy St., Bonifacio St., Quirino St. at ang Pelayo St. at ang paligid ng Davao City Hall.
Sa datus ng Davao Light, nasa 25% na ang natatapos sa kabuuang 7.5 kilometers na proyekto.
Aminado ang lead engineer ng Davao Light na hindi madali ang underground cabling project dahil na rin sa mga isyu ng right of way, paiba-ibang panahon, traffic control, kondisyon ng mga kanal, linya ng tubig, at telepono, maging ng soil condition, at mga hindi inaasahang pangyayari.
Ang pinakamahalaga ay ang political will ng local government unit na katulad na mayroon ang Davao City.
Natutuwa ang Davao Light na maraming LGUs na ang nagtutungo sa Davao City para personal na magtanong at tingnan ang ginagawa nilang proyekto kabilang ang Bataan, Butuan, Naga, Zamboanga City, at Mandaluyong.
Maganda naman kasi talagang tingnan kung wala ang sala-salabat na mga kable sa mga lansangan maliban pa sa kabawasan sa banta at panganib ng pagkaputol o pagkasira saka-sakaling magkakaroon ng kalamidad at trahedya.

Tiyak na matapos ang underground cabling ng Davao City ay mas maraming lungsod at bayan na naman ang gagaya at susunod na rin. Darating ang araw na posible rin ito sa Metro Manila.

Previous articleLotto Draw Result as of | September 1, 2023
Next articleMTPB NAGBABALA SA MGA PASAWAY NA MOTORISTA