Home OPINION MTPB NAGBABALA SA MGA PASAWAY NA MOTORISTA

MTPB NAGBABALA SA MGA PASAWAY NA MOTORISTA

NAGBIGAY ng paalala ang Manila Traffic and Parking Bureau sa mga motoristang paulit-ulit na pumaparada sa mga illegal parking zone na huwag nang mangahas na gawin ito dahil doble na ang multa nilang babayaran sa gagawing paglabag.
Ayon kay MTPB Chief of Operation Wilson Chan, doble na ang multang ipapataw sa mga tsuper o may-ari ng mga mahahatak at maiimpound na sasakyan dahil bukod sa kailangan nila itong tubusin, babayaran pa rin nila ang multa sa iisyu sa kanilang Ordinance Violation Receipt.
Kung dati aniya ay P400 lamang ang multa sa “unattended” at “attended” na sasakyang mahuhuling nakaparada sa no parking zone, ngayon ay magbabayad na sila ng multang P2,000 sa unattended at P1,000 sa attended bunga na rin ng umiiral na Single Ticketing System” na ipinatutupad sa National Capital Region.
Kung ang mga unattended na sasakyan ay mahahatak at mai-impound, panibagong bayad aniya ang sisingilin sa mga motorista para naman sa pagtubos sa kanilang sasakyan.
Ganito rin ang ipinatutupad sa kasalukuyan ng Metropolitan Manila Development Authority bagama’t tiyak na mas malaki ang babayaran ng motorista dahil kumporme sa layo ng lugar kung saan hinatak ang sasakyan, patungo sa impounding area ng ahensiya.
Nilinaw naman ni Chan na ang pag-iisyu nila ng tiket sa mga driver ng mahihilang sasakyan ay batay sa opinyon ng kanilang  legal experts sa Manila City Hall upang maiwasan na rin ang posibleng pag-buwelta laban sa kanila nang mahahatak na motorista.
Wala aniyang ordinansa o resolusyon ang Sangguniang Panlungsod hinggil dito at wala ring inilalabas na Executive o Administrative Order ang tanggapan ng alkalde ng Maynila para sa pagpapatupad nila ng pag-iisyu ng OVR sa mga nahahatak na sasakyan.
Sinabi ni Chan na puwede kasi silang baligtarin ng motoristang mahahatak ang sasakyan dahil sa pagparada sa no parking zone kung hindi sila magi-isyu ng OVR dahil wala silang pagbabatayan na nilabag ng motorista ang umiiral na batas-trapiko.
Aniya, isa itong usaping ligal na puwedeng i-challenge ng motorista o abogado sa hukuman, sa oras na wala silang maipapakitang tiket na patunay na lumabag at pumarada sa bawal na lugar ang motorista.
Sa ngayon aniya, nagtalaga na sila ng kolektor sa impounding area ng MTPB na matatagpuan sa Smokey Mountain Field of Dreams sa may Honorio Lopez Blvd. sa Tondo upang doon na rin magbabayad ng multa sa OVR ang mga may-ari o driver ng nahatak na sasakyan dahil sa paglabag sa no parking zone.
Sa ganito aniyang paraan, hindi na mahihirapan pang magtungo sa bangko o sa city hall ang tsuper o may-ari ng nahatak na sasakyan para magbayad ng multa nang sa gayon ay wala na silang record o pending na kaso na magiging problema nila sa pagre-renew ng lisensiya.