ANG laban sa buhay ay masalimuot, lalo sa mga magulang na sa kabila ng kakapusan sa buhay ay gagawin ang lahat upang makapag-aral ang mga anak para sa kanilang kinabukasan.
Kahit anong trabaho’y papasukin at kesehodang magdildil ng asin sina tatay at nanay, makaipon lamang ng panggastos para makapasok sa eskuwelahan sina ate, kuya at bunso.
Pero in fairness, may mga lungsod at bayan din naman na ang mga lider na lingkod bayan ay ramdam ang mabigat na gastusin ng mga magulang sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
Kaya’t masuwerte ang mga residente ng local government units na ang mga alkalde ay may proyektong nakakatulong sa mga magulang para sa pag-aaral ng mga anak.
Isa ang Caloocan sa LGUs na sa pamamagitan ng bags, notebooks, pencils at iba pang kagamitan na libreng ibinibigay sa mag-aaral ay naiiibsan ng problemang gastusin ang mga magulang.
Ang free school supplies sa grade school students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ay nagmula pa nang maging alkalde noong 2013 si ngayo’y 1st disrtict Rep. Oscar ‘Oca’ Malapitan.
Sa kabuuang tatlong termino o siyam na taon bilang alkakde ay naging kalakaran na ng kanyang liderato ang pagbibigay ng libreng school items sa mga batang mag-aaral sa lungsod.
Ang libreng kagamitan ng mga mag-aaral na sinimulan ng noo’y Mayor at ngayo’y Cong. Oca ay hindi nawala, bagkus ay pinayabong pa ni ngayo’y Mayor Dale Gonzalo ‘Along’ Malapitan.
Tinawag na ‘Education Dynamo’ ng Caloocan, si Mayor Along ang responsable sa ‘di matatawarang ipinagbago ng edukasyon sa lungsod sa pamamagitan ng mga programa’t proyekto na isinulong., Ang proyektong libreng kagamitan ni Mayor Along ay magsisilbing sandata ng mga Kabataang Kankaloo sa kanilang laban tungo sa minimithi nilang magandang kinabukasan.
Iba kapag ang mga lider ay umaaksyon, nagmamalasakit na serbisyo sa tao ang inuuna sa pagsasakatuparan ng kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga maaasahang public official.





