MANILA, Philippines – Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng inklusibong pagtarget sa “employment solutions” sa gitna ng lumabas na bagong labor data na bahagyang pagtaas ng kawalan ng trabaho sa bansa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 2.06 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Abril 2025, kung saan ang unemployment rate ay tumaas sa 4.1%, mula 3.9% noong Marso.
Ikinabahala ni Sen. Go ang nasabing numero kaya binigyang-diin niya na kailangang lumikha ng mas marami pang trabaho kasabay ng pagtiyak na magbibigay ito ng patas na kompensasyon at seguridad, lalo sa vulnerable sectors tulad ng freelancers, mga manggagawa sa kanayunan, at sa mga empleyado ng gobyerno.
“We will also push for legislations that, if enacted, will provide more opportunities in terms of job creation and livelihood support,” ang sabi ni Go.
“Together, we must pursue and strengthen food security in order to ensure that there is food on the table of our people. Importante po sa akin ang laman ng tiyan ng mga kababayan natin, lalo na po ‘yung mahihirap.”
Bagama’t binigyang-diin ng PSA na 48.67 milyong Pilipino ang may trabaho noong Abril 2025, o 95.9% employment rate, nagpapakita pa rin ito ng pagbaba mula sa nakaraang buwan na 96.1%.
Nanatili aniyang problema ang underemployment o 7.09 milyong manggagawa—katumbas ng 14.6% ng populasyon na may trabaho—na naghahanap ng karagdagang kita sa pamamagitan ng mas maraming oras o pangalawang trabaho.
Pinuno ng Senate committee on health at kilala sa kanyang proactive approach sa grassroots concerns, naglatag si Go ng mga legislative agenda na direktang tumutugon sa mga isyu sa paggawa.
Katuwang siya sa pag-akda at pagtataguyod ng Senate Bill No. 2534, na nagmumungkahi ng daily minimum wage hike sa buong bansa.
Layon ng panukala na isalba ang mga manggagawa sa tumataas na cost of living at inflation at para makahinga-hinga ang maraming pamilyang Pilipino sa mga gastusin.
Naghain din siya ng SBN 420, kilala bilang “Rural Employment Assistance Program (REAP)”, na naglalayong mag-alok ng pansamantalang trabaho sa mga displaced, underemployed, at seasonal workers kung maisabatas.
Inihain din ni Go ang SBN 2107, o ang Freelance Workers Protection Bill. Sa mabilis na paglaki ng freelance economy, mas maraming Pilipino ang babaling sa project-based at independent work.
Naghain din si Go ng SBN 1184, ang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act” upang pangalagaan ang delivery riders.
Iginagarantiya ng panukalang batas na ang mga manggagawang ito ay protektado mula sa pang-aabuso at binibigyan ng patas na pagtrato ng customers at platform provider. RNT