Home TOP STORIES Unity ride protest isinagawa ng food delivery riders

Unity ride protest isinagawa ng food delivery riders

MANILA, Philippines – DAAN-DAANG food delivery riders ang nagdaos ng unity ride bilang protesta sa umano’y hindi makatarungan na pamamahala ng isang kilalang food delivery app kamakailan sa Quezon City.

Suportado ng National Union of Food Delivery Riders, nagprotesta ang grupo laban sa bagong fare matrix na ipinatupad ng Grab na lubos na nakakabawas sa kakaunti nang kita ng mga rider.

Ayon sa mga rider, binawasan ng Grab ang bagong rate per order mula P45 patungo sa P35, habang ang bayad per kilometro na P10 ay ibinaba na lamang sa P7.

Ang sitwasyon ng mga rider ay umabot na sa atensyon ng gobyerno, lalung-lalo na sa Kongreso at Senado.

Sa isang video statement ni Sen. Risa Hontiveros kamakailan, sinuportahan nito ang mga rider at sinabing, “If the goal of this new fare matrix is to ease the burden of customers, it should not come at the expense of the platform’s riders.”

Ang isyu ng ilegal na pagtanggal sa mga rider ng Grab ay kasalukuyang iniimbestigahan ng National Labor Relations Commission matapos humingi ng tulong ang grupo ng rider sa NLRC. RNT