Home NATIONWIDE Amihan magpapaulan sa Luzon

Amihan magpapaulan sa Luzon

MANILA, Philippines – Magpapaulan ang Northeast Monsoon (Amihan) sa ilang bahagi ng Luzon ngayong Sabado, Disyemnbre 2, ayon sa PAGASA.

Ang Batanes at Cagayan kabilang ang Babuyan Islands ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dulot ng monsoon. Ang katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan ay maaaring humantong sa mga pagbaha o pagguho ng lupa.

Ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, ang nalalabing bahagi ng Central Luzon, at ang nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay maaaring asahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang pag-ulan dahil sa monsoon.

Ang Aurora at Quezon ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring magresulta dahil sa kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Samantala, ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay maaaring magkaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies at localized thunderstorms. Sa panahon ng matinding pagkulog, maaaring magresulta ang mga flash flood o landslide.

Ang mga baybaying dagat ay magiging katamtaman hanggang maalon sa Hilagang Luzon, at bahagya hanggang katamtaman sa ibang bahagi ng bansa.

Sumikat ang araw bandang alas-6:05 ng umaga habang lulubog ng alas-5:25 ng hapon. RNT