Home NATIONWIDE UP College of Law pinarangalan ng Senado sa pagkapanalo sa 2024 Jessup...

UP College of Law pinarangalan ng Senado sa pagkapanalo sa 2024 Jessup Moot Court Competition

MANILA, Philippines – Matapos talunin ang 641 competing teams sa 2024 Philip C. Jessup International Moot Court Competition, isang parangal ang nakatakdang ipagkaloob ng Senado sa University of the Philippines College of Law Jessup Team, sa isang resolusyon na inihain ni Senador Sonny Angara.

Mababatid na ito pa lamang ang ikatlong pagkakataon na mapanalunan ng Pilipinas ang prestihiyosong moot court competition. Unang nagwagi ang bansa noong 1995 kung saan pinangunahan din ito ng UP College of Law, at noong 2004 na pinangunahan naman ng Ateneo de Manila University.

Sa kanyang resolusyon, pinuri ni Angara ang UP Law Jessup Team at sinabing “patunay lamang ito na dekalidad ang legal education sa Pilipinas at talagang magagaling ang ating mga mag-aaral sa abogasya.”

Dagdag pa ng senador, “hindi madali ang magwagi sa Jessup Moot Court Competition lalo pa’t 642 teams ang naglaban-labang law schools na nagmula pa sa iba’t ibang sulong ng daigdig. Bilang produkto ng UP College of Law, tayo po ay nakikipagdiwang sa tagumpay na ito ng ating unibersidad.”

Nabatid na sa lahat ng koponang galing sa Pilipinas, tanging ang UP Law Jessup team lamang ang nakapasok hanggang sa quarterfinal stage ng kompetisyon. Sa final round, pinataob ng Philippine team ang Universidad Torcuato Di Tella ng Argentina dahilan upang ganap na tanghaling kampeon sa 2024 Jessup Moot Court Competition ang UP Law team.

Ang Philippine team ay binubuo ng UP Law students na sina Mary Regine Dadole, Pauline De Leon, Pauline Samantha Sagayo, Chinzen Viernes, at si Ignacio Lorenzo Villareal na tinanghal bilang Best Oralist sa championship round.

Ang Jessup Moot Court Competition na pinangangasiwaan ng International Law Students Association ay isinagawa sa Washington DC, kung saan, binibigyan ang mga kalahok ng isang fiction dispute na pagdedebatehan ng dalawang bansa sa harap ng International Court of Justice.

Tumayong coach ng Philippine team si UP Law professor Marianne Vitug na ginawaran ding Best Oralist noong 2018 sa 22nd Stetson International Environment Law Moot Court, and top 10 oralist naman sa Jessup 2019. Faculty advisor naman ng ating koponan ngayong 2024 si Professor Rommel Casis.

“Malinaw na pinatutunayan ng kaganapang ito na dekalidad ang legal education natin sa bansa dahil palagi tayong kabilang sa pinakamagagaling sa kompetisyong ito. Ipagpatuloy lamang natin ang pagsusulong sa ating academic excellence, hindi lamang sa larangan ng abogasya, kundi maging sa iba pang mga kurso,” ani Angara. Ernie Reyes