Home NATIONWIDE Digital transformation ng education sector, muling inihirit sa Senado

Digital transformation ng education sector, muling inihirit sa Senado

MANILA, Philippines – Sa gitna ng patuloy na pagpapatupad ng blended learning sanhi ng matinding init, muling isinulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan sa digital transformation ng sektor ng edukasyon, na makatutulong sa kahandaan ng guro sa remote learning.

“Kailangang paghandaan natin ang posibleng mas mainit pang panahon sa mga susunod na taon lalo na’t patuloy ang climate change at global warming,” ani Gatchalian sa inihain niya ngayong 19th Congress na Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383).

Maliban sa pagpapabilis ng installation at activation ng libreng public Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan, inatasan ng panukala ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang kahandaan ng paaralan sa information and communications technology (ICT) upang magpatupad ng distance learning.

“Hindi lang sa gitna ng matinding init natin kailangang mapahusay ang digitalisasyon, kailangang tiyakin nating magpapatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa mga panahong humaharap tayo sa mga sakuna o anumang emergency situation sa bansa,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Nakasaad din sa naturang panukala na imamandato sa Department of Science and Technology (DOST) ang pagtulong sa DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagsulong sa agham, teknolohiya, at inobasyon. Ito ay para paigtingin ang pag-aaral at pagtuturo at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution.

Ipinag-utos ng DepEd kamakailan ang pagpapatupad ng asynchronous classes sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa Abril 15-16.

Muli ding binigyang diin ng DepEd ang mga pamantayan sa DepEd Order No. 037 series of 2022, kung saan nakasaad na sa kaso ng matinding init at iba pang mga kalamidad, maaaring magsuspinde ang mga punong-guro ng klase at ipag-utos ang pagpapatupad ng remote learning.

Ang iba pang mga panukala ni Gatchalian upang isulong ang digitalization sa sektor ng edukasyon ay ang Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474). Ernie Reyes