MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa pananaksak sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ay dalawa na ang patay kabilang ang isang menor de edad, habang dalawa iba pa ang sugatan nangyaring insidente na nangyari sa Infanta Street, Balut, Tondo.
Nakita sa CCTV na isang lalaki ang bumaba ng motorsiklo at nilapitan ang isa pang lalaki.
Kalaunan ay nagkagulo na sinubukang lumapit ng ilang tao sa lugar kabilang ang isang menor de edad para umawat sa away.
Bagamat hindi nakita sa CCTV, may dala umanong balisong ang lalaking bumaba sa motorsiklo at iwinasiwas habang nagkakagulo.
Apat ang nasaksak nito kung saan dalawa ang nasawi na isang 21-anyos at isang 16-anyos na biktimang babae.
“‘Yung isang biktima natin ay isang 21 years old. ‘Yun ‘yung unang namatay. Sumunod ay mayroong isang sugatan at kalaunan… ay pumanaw rin. Sixteen years old naman po ‘yun na babae,” pahayag ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide section, sa panayam ng GMA News.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang pananaksak ay nagkaaway na ang suspek at ang isa sa mga sugatan habang parehong nasa birthday party ang mga ito.
Binastos umano ng suspek na nakainom ang ilang mga babaeng bisita at kasama rito ang kasintahan ng biktima.
“Dumating itong suspek na nakainom na rin. ‘Di umano ay jumoin du’n sa kanilang inuman pero hindi naman siya imbitado. Lasing na rin daw ito. Napansin na rin daw ito ng mga testigo na nakainom na,” dagdag ni Turla.
Nakauwi na ang biktima ngunit sinundan ito ng suspek kung saan nangyari ang pananaksak.
Agad naman na naaresto ang suspek matapos ang krimen.
Kasalukuyan namang nagpapagaling sa ospital ang dalawang nasugatan. RNT/JGC