Home HOME BANNER STORY UPDATE: 7.3M deboto nakibahagi sa Traslacion 2026 – Manila LGU

UPDATE: 7.3M deboto nakibahagi sa Traslacion 2026 – Manila LGU

449
0

MANILA, Philippines – Aabot sa mahigit pitong milyong deboto ang nakibahagi sa Pista ni Jesus Nazareno hanggang Sabado ng umaga, Enero 10, ayon sa ulat ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Sa isang post sa Facebook ng opisina ng Public Information Office, sinabi na ang taunang pagdiriwang ay nakapagtala ng 7,337,700 kalahok hanggang alas-7 ng umaga nitong Sabado.

Ang bilang na ito ay tinatayang “grand total” ng mga tao gamit ang drone technology ng Innovation Integrated GIS and Data Hub ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Ang Traslacion ngayong taon, o ang prusisyon ng imahen ni Jesus Nazareno na nakakaakit ng milyong-milyong deboto taun-taon, ay tumagal ng higit 30 oras.

Nagsimula ito sa Quirino Grandstand alas-4 ng umaga nitong Biyernes at ganap na nakapasok at nakabalik sa Dambana ang Poong Jesus Nazareno bago mag-alas 11 ng umaga ng Sabado.

Samantala, sinabi ng spokesperson ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Police Major Hazel Asilo na hanggang alas-5 ng umaga, ang kabuuang tinatayang bilang ng tao ay nasa 1.4 milyon, habang ang mga nagtipon sa Quiapo Church ay nasa 160,000.

Ayon sa NCRPO, hindi bababa sa dalawang deboto ni Jesus Nazareno ang namatay sa gitna ng Traslacion ngayong taon sa Maynila.

Hindi pa naglalabas ng karagdagang impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa mga pagkamatay na ito, ngunit kinumpirma ng NCRPO na hindi kasama sa listahan ang photojournalist na namatay nitong Biyernes habang nagko-cover ng prusisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here