Home HOME BANNER STORY Upuan para kay VP Sara sa impeachment trial, pinarereserba ng House prosecutors

Upuan para kay VP Sara sa impeachment trial, pinarereserba ng House prosecutors

4
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na maglaan ng isang pisikal na upuan para kay Vice President Sara  Duterte sa gaganaping impeachment trial upang malinaw na ipakita sa publiko na may nakalaang lugar para sa kanya sakaling piliin nitong humarap at personal na makibahagi sa paglilitis sa kanyang kaso, ayon kay House trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.

“Dapat makita ng taumbayan na may upuan para sa Pangalawang Pangulo. Kung nanaisin niyang humarap, makinig at sumagot, naniniwala kami na nararapat lamang na may nakalaang upuan para sa kanya sa impeachment court,” ani Co.

Ayon kay Co, ang planong hirit na ito ay alinsunod sa naunang ginawa sa mga pagdinig ng House Committee on Justice, kung saan opisyal ding nilaanan ng silya si Duterte.

“Ginawa na ito sa House Justice Committee para malinaw sa lahat na hindi sarado ang pinto sa kanya. May upuan, may pagkakataon at may forum kung nais niyang ipaliwanag ang kanyang panig,” dagdag ng mambabatas.

Nilinaw naman ni Co na ang naturang hakbang ay hindi layong gipitin o ipahiya ang Bise Presidente, kundi upang bigyang-diin na ang impeachment ay isang konstitusyonal na proseso kung saan ang magkabilang panig ay binibigyan ng buong pagkakataon na mapakinggan.

“Hindi ito pang-pressure, hindi ito palabas at hindi ito panghihiya. Simple lang ang mensahe natin, bukas ang proseso, didinggin ang bawat panig, at handa ang impeachment court na makinig,” giit ni Co.

Bagamat kinikilala ng prosekusyon na pwedeng katawanin si Duterte ng kanyang mga abugado, sinabi ni Co na iba pa rin ang mensaheng ipinaparating sa publiko kapag ang mismong ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang personal na humaharap sa paglilitis.

Aniya, ang paglalaan ng bakanteng upuan ay malinaw ding sagot sa mga alegasyon na pinagkakaitan ng due process ang Bise Presidente dahil makikita ng lahat na binibigyan siya ng tamang abiso at espasyo sa pagdinig. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here